Abante Tonite Interactive

Bakit hindi epektibo ang batas laban sa namamalimos?

158

Halos lahat ng prog­rama sa mga radyo at telebisyon ay nagsasagawa na ng countdown na ang ibig sabihin ay ilang tulog na lamang ay Pasko na at lahat sabik na sabik na sa pagdating ng araw na ito.

Ngunit napapansin n’yo ba na habang papalapit ang Pasko ay parami naman nang parami ang mga namamalimos sa kalye partikular ang mga batang lansangan na sumasabit sa mga jeepney at namamasko.

Iba-iba ang kanilang istilo, mayroon kumakatok na lamang bigla sa salamin ng kotse atsaka kakanta ng pamaskong awitin at hindi aalis hangga’t hindi nabibigyan.

Ang isa sa bagong istilo ngayon ay kapag nakahinto ka sa traffic light, dahil may dalawa o grupo ng kabataan ang bigla na lamang sasayaw sa harap ng kotse habang isa sa mga ito ay hihingi ng pamasko sa tabi ng tsuper.

Meron naman grupo ng mga batang Badjao ang may dala-dalang tambol at sabay-sabay na sasabit sa jeepney at habang tinutugtog nila ang tambol ay may isang nagbibigay ng sobre.

Dito medyo hati ang opinyon ng mga tao kung dapat bang magbigay o hindi sa mga namamalimos lalo pa at Pasko naman at ang katuwitan ng iba ay mag-share raw ng bles­sings.

Pero ang paninindigan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), dapat ay hindi umano binibigyan ang mga batang nagsisiakyat sa mga jeepney dahil namimihasa sa kabila ng alam nilang delikado ang kanilang ginagawa.

Hind pa ‘yan, pina­paalala ng DSWD na may batas umano na ipinagbabawal talaga ang pamamalimos ngunit hindi umano natatakot ang marami dahil sa marami ang kumukunsinti.

Pero kung pakikinggan natin ang Simbahan, palagi nilang pinagdidiinan ang pagtulong sa kapwa lalo na doon sa mga mahihirap na nanghihingi ng tulong na dapat tulungan.

Ako sa personal kong pananaw, parehong may punto ang magkabilang panig na parehong dapat sundin ngunit mawawala na tayo sa guidelines kung paiiralin natin ang puso at awa sa mga namamalimos.

Ako nga mismo guilty ako sa problemang ito dahil madalas ay nagbibigay talaga ako sa namamalimos at nawawala sa isip ko na may umiiral na batas na bawal ngang magbigay sa namamalimos.

Pero alam n’yo ba na ang umiiral na batas hinggil dito ay ang Presidential Decree No. 1563 o ang Establishing an integrated system for the control and eradication of mendicancy, providing penalties, appropriating funds therefore, and for other purposes.

Mas kilala ito sa tawag na Anti-Mendicancy Law na may piyansang P20.00. Oo hindi ka namamalik-mata beinte pesos lang ang piyansa kapag lumabag ka at naaresto sa kasong panlilimos.

‘Yan ang nakikita kong tunay na dahilan kaya hindi masugpo ang pagdami ng mga namamalimos sa iba’t ibang lansangan ng Kamaynilaan, dahil sa batas nating walang kapangil-pangil.

Marahil panahon na para repasuhin ang batas na ito para hindi naman mahirapan ang DSWD na ipatupad ito at madalas ay sila pa ang nasisisi.
Subukan natin!