Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakit kasi pahinga lang?

0 87

Sa dinami-dami ng mga maaaring gawin kapag nagkaroon ng karamdaman ang sinoman, marami ang pwedeng pagpiliang solusyon. Mayroong mga gamot na pampababa o pampataas ng kung anuman, mga antibayotiko panlaban sa bakterya, antiviral, antifungal, antihelminthic o parasitic, panlaban sa mga virus, fungus, at parasitiko. Mayroon din na mga surgical options kung sakaling kinakailangan may tanggalin, ayusin o pagdugtungin. Mapagamot o operasyon, datihan man o makabagong innovations, lahat ng ito ay magagamit. Ngunit sa dami ng mga ito, bakit kung minsan ay pahinga lamang ang ibibigay sa pasyente? Ito ang tanong sa atin. “Bakit palaging kailangan magpahinga? Bakit laging isinasama ito sa mga rekomendasyon, at kung minsan ay nauuna pa sa listahan o kung hindi man, ito lang ang ibibigay?”

Isa tayo sa nangungulit at nagbibigay ng kahalagahan sa rest o pagpapahinga. Madalas inihahalintulad ko ang pagpahinga at ang inyong katawan sa ating paggamit ng cellphone. Tayo ang cellphone at ang baterya nito ay ang ating kalusugan. Una sa lahat, ano man ang laman ng ng cellphone, ang memory nito, mga iba’t ibang apps, parepareho pa din itong nakakatxt at nakakatawag. Ganyan din kasi tayo. Iba’t ibang mga karanasan at alaala. Iba’t ibang mga pinanggalingan, ngunit parepareho din tayong lahat na mga tao.

Sa kakagamit ng cellphone, ang battery life natin ay bababa at mauubos. Oras na umabot ito sa 20%, magiging pula ang indicator at magsasabi ng “low batt”. Ito ang panahon na hindi na tayo magkaugaga at natataranta para makahagilap ng charger o di kaya ay power bank para tumaas ang charge at maibalik ang sigla ng cellphone at maipagpatuloy ang gawa at gamit nito. Kung sakali naman na hindi macharge, bababa ang kalidad ng baterya at maaaring tuluyang mamatay na. Kapag naicharge sa ganitong sitwasyon, magaantay ng panahon para mag “on” muli, mag start, at muling gumana.

Eksaktong ganito ang kalagayan ng ating kalusugan. Habang tayo ay maayos, malusog at ligtas sa karamdaman, wala tayong problema at banayad ang pagbaba ng ating mga “baterya”. Kung palagian ang gamit natin sa ating katawan, lalo na kung bugbog sarado sa mga ipinagagawa natin, mas mabilis ang pagbaba nito. Bigyan nating ng pagkakataon na tayo ay makapagpahinga ng mabuti, makapag recharge, dahil mas malaki ang pagkakataong umayos ang pangarawaraw na kalusugan natin. Sa panahon na tayo ay magkasakit, parang nasa pula na din ang ating kalusugan, kailanagn magpatingin sa doktor at malaman ang kalagayan para magamot, at higit sa lahat, maipahinga ng husto. Huwag natin hayaang bumagsak at maubos ang ating baterya, para hindi rin mahirap manumbalik sa dati. Kapag naagapan natin ang ating kalusugan, maipahinga ng maayos, sa lalong madaling panahon ay makakabalik tayo aga sa ating mga trabaho, at gawain. Ngunit kung hahayaan natin na tayo ay malapit maubusan ng baterya, mas mahirap makabalik sa dati at mas matagal na panahon ang kakailanganin. Ang ating pinagkaiba sa cellphone ay kung ito ay mamatay, maisaksak sa charger ay muling mabubuhay. Kung tayo ay mamatay, hindi na tayo mabubuhay muli.

Kaya mamili po tayo. Bibigyan ba natin ang ating katawan na sapat na pahinga o ang katawan natin ang magpupumilit na tayo ay makapagpahinga. Ang tanong na lang ay kung saan tayo ipapapahinga, sa bahay, sa ospital, o wag naman sana sa ilalim na ng lupa.

Hanggang sa susunod na Huwebes! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.