Abante Tonite Interactive

Bakit kaya ‘di pinasama ng PBA si Fajardo, Slaughter?

By
1,694

Marami ang uma­angal sa pinadala ng Samahang Basketbol ng Pilipinas at Philipine Basketball Association para sa men’s basketball competition ng 18th Asian Games 2018 sa Jakarta-Palembang, Indonesia na nakatakda sa Agosto 18-Setyembre 2.

Sa huling minutong pagbabago ng isip dahil sa pagkapahiya sa netizens o sa socmed, napilitan na rin si SBP president Alfredo Panlilio na isoga ang unang napagkasunduan na Rain or Shine na may reinforcement na ilang mga player mula sa iba’t ibang mga team din sa PBA.

Bunsod ito sa pagkakasuspinde ng International Basketball Federation sa Gilas Pilipinas na nakalaban ng Australian Boomer­s noong Hulyo 2 sa Phi­lippine Arena sa Bulacan na kinatampukan ng P13.3 milyon na multa at suspensyon ng 10 players at 2 coaches.

Nais ng ilang mga reader naman ng pittak na ito na itaas pa ang antas ng komposisyon ng RoS.
“Bakit ‘di napili sina June Mar (Fajardo ng San Miguel) at Greg (Gregory Slaughter ng Ginebra) sa team na pinadala sa Indonesia Asiad para may pantapat tayo sa matatangkad ding kalaban,” text message sa inyong abang lingkod ng isang concerned citizen, na nagpatawag na lang na kuya Gabby mula sa Parañaque City.

Nababahala naman ang isa pang texter na nagpatago ng kanyang pagkakilanlan sa pagsama sa koponan ni Beau Belga.

Sana raw maging malinis maglaro ni Belga para walang away at hindi maulit ang nangyari sa Gilas-Boomers game.

May nagsasabi ring dapat sinama rin ang kakwadra ni Slaughter na si Scottie Thompson dahil sa pinakitang tikas sa katatapos na PBA Commissioner’s Cup Finals ng Gin Kings at Beermen na pinanalunan ng huli.

Wala na po tayong magagawa, nasa Jakarta na ang Elasto Painter­s at naghahanda na ng opensang laro roon pati depensa sa pag-scout sa mga magiging kalaban.

Wala yata sa pool ang pangalan ni Thompson kaya ‘di po siya pwedeng maihabol. Sina Fajardo at Slaughter pwede, kaya lang alam niyo namang magkaaway sina Ramon Ang ng San Miguel Corp. at Manuel Pangi­linan ng MVP Group.

Nasa Group D tayo sa Asiad tapos nating mag-7th place sa 17th AG 2014 sa Incheon, South Korea.

Kasama natin ang 5th placer China, 4th placer Kazakhstan at nangulelat o 15th placer Palestine.

Suportahan na lang po natin ang Rain or Shine sa kanilang kampanya sa Asiad at sana’y makamedalya pa rin tayo kahit hindi Gilas ang ating pambato.