Abante Tonite Interactive

Bakit kulelat?

273

Nasopresa daw mismo si Pangulong Duterte sa naging resulta ng pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS) kung saan ay kulelat ang mga pambato nito.

Bigo kasi na makasama sa ‘magic 12’ ang kanyang mga personal na iniendorso sa 2019 midterm elections sa bansa.

Ang partikular na tinutukoy ng Pangulo ay sina dating Political Adviser Secretary Francis Tolentino, da­ting Special Assistant to the President Bong Go at dating PNP Chief Ronald ‘Bato’ dela Rosa na pawang mga kandidatong senador.

Minaliit ng Pangulo ang mga nangunguna ngayon sa SWS Survey na sina Senador Cynthia Villar, Grace Poe at iba pang reelectionist na senador.

Talagang dapat magtaka ang Pangulo dahil sa kabila ng maagang pangangampanya ni dating SAP Bong Go ay kulelat pa rin ito sa survey na isa sa basehan kung sino ang mga posibleng manalo sa eleksyon.

Marahil ay nasobra­han kasi ng epal si Bong Go at sobrang laki ng ginagastos sa maagang pangangampanya.

Marami ang inis kay Bong Go na tila ginagamit na nito ang buong makinarya ng gobyerno at ang tanong din ng lahat ay kung papaano babawiin ang gastos sa kampanya samantlang ang suweldo ng senador ay nasa 100 thousand pesos lang kada buwan.

Hindi lahat ng kandidato na maraming pera o pondo sa eleksyon ay tiyak na mananalo sa halalan.

Sa tatlong kandidatong ito na personal na inindorso ni Pa­ngulong Duterte ay si dating PNP Chief dela Rosa ang makakalusot at mananalong senador.

Ayon kasi sa ating mga nakukuhang balita ay dinudumog si Bato ng mamamayan lalo na ng mga botante sa pagpasyal nito sa mga lalawigan.

Si Bong Go naman ay ang dumudumog sa kanya ay mga lokal na opisyal na may inila­lakad na proyekto.

Gayunman, abangan natin ang mga kandidatong ito at iba pa kung may gagawin silang estratehiya at mapatunayan sa publiko na karapat dapat silang iboto at maging senador na maaaring makipagdebate sa pagsusulong ng mga batas.