Abante Tonite Interactive

Bakit mahal pa rin ang bigas?

586

Limang buwan na ang nakalilipas mula nang pirmahan ni President Mayor Digong Duterte ang ipinagmamalaking Rice Tarrification Law na isinulong ng isang senador, pero ang puna ngayon ng ating mga tsokaran, nasaan na ang pangakong bababa ang presyo ng bigas?

Matatandaan kasi na mistulang apoy na pinaypayan ang pagsusulong ng rice tariff law nang pumalo ang presyo ng bigas at itulak din paitaas ang inflation rate noong nakaraang taon. Para daw mapababa ang presyo ng bigas, kailangan umanong alisin ang limitasyon sa pag-aangkat ng bigas para bumaha ng imported rice sa merkado.

Simple nga naman ang naturang plano na base sa tinatawag na “law of supply and demand,” kung maraming produkto sa merkado na mabibili, magkakaroon ng kompetisyon ang mga nagtitinda at magpapababaan ng presyo. Ngunit ngayong naisabatas na ang rice tarrif law at nakapag-angkat na ang mga wais na negosyante… ang tanong marahil ng mga kurimaw, bakit mahal pa rin po ang bigas?

Katunayan batay sa isang lumabas na ulat, sinabi umano ng Bureau of Customs na nakakolekta na sila P6.48 bilyon sa rice imports mula nang maipatupad ang batas noong Marso na nagsaad ng pagkubra ng 35 porsiyentong taripa sa importasyon ng bigas. Ang nakokolekta raw na buwis eh halos katumbas ng P1.4 bilyon .

Noong panahon kasi na wala pa ang rice tarrif law, ang NFA (National Food Authority) ang nag-aangkat ng bigas at ibinebenta nila sa merkado sa hala-gang P25 hanggang P30 ang kilo. Mas mura ito kumpara sa commercial rice na P40 kilo paitaas. Katunayan, sa dami nga ng mga tumangkilik sa NFA rice, aba’y nagkakaubusan pa sa tindahan.

Pero dahil kasama sa probisyon ng rice tarrif law ang pagkapon sa NFA na umangkat at magbenta ng bigas, tigil na sila sa operasyon. Ang tanging bibilhin na lang nila ay palay ng mga lokal na magsasaka bilang “reserba” na lang ng bansa kung magkaroon ng kakapusan ng bigas. Ngunit matapos ngang maisabatas ang rice tarrif law mga tsong, nanatiling nasa lebel ng P40 pataas ang per kilo ng bigas sa merkad. Walang nangyari sa hula ng mga “magagaling” na nagsulong ng rice tariff law na magiging ka-sing mura ng NFA rice ang mga imported rice dahil “babaha” ng bigas sa merkado.

Hinala tuloy ng ilan nating kurimaw na mahilig sa extra rice, hindi kaya nagkaroon lang noon ng “artificial shortage” o sadyang kinontrol ang daloy ng bigas sa merkado para mabigyan ng katwiran ng kung sinong hinayupak ang pagkakaroon ng rice tariff law?

Pero hindi lang ang pananatiling mahal ng bigas ang problema, ngayon ay dumadaing na rin ang mga magsasaka partikular sa Luzon dahil binabarat na ang ani nilang palay.

Hindi lang daw ang mga negosyante ang nambabarat sa mga magsasaka kung hindi maging ang NFA na dapat na gagawing reserba ang kanilang produkto. Ang masaklap, hindi lang ang mga imported na bigas ang nagpapahirap sa mga magsasaka kung hindi maging ang panahon. Kung noong nakaraang taon eh matinding tagtuyo ang kanilang problema sa palayan, ngayon naman eh ulan.

Ang isang magandang tanong pa tungkol sa rice tariff law na ito, may inilaan daw na P10 bilyon na Rice Competitiveness Enhancement Fund bilang ayuda sa mga magsasaka na maaapektuhan ng pagbaha ng imported rice, aba’y nasaan na? Bakit dumadaing ang mga magsasaka na wala silang natatanggap na ayuda? Asan ang pondo?

Dahil sa kalunos-lunos na kalagayan daw ng maraming magsasaka ng palay, marami na ang tumigil sa pagsasaka at mayroon ding mga rice miller ang nagsara dahil wala nang palay na dinadala sa kanila. Ang mahiwagang tanong, ano ang mangyayari sa hekta-hektaryang palayan kapag hindi na nagamit sa pagsasaka? Gagawin ba itong palaisdaan? golf course? resort? o baka naman mall at real estate subdivision? Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”