Abante Tonite Interactive

Bakit nabalutan na sila?

697

Nasa Naga City, Cebu po ang inyong lingkod kasama sina freelancers sportswriter Angelito Oredo at cameraman Brijon Gonzales sapul noong Biyernes hanggang kahapon (Pebrero 23-26) kung saan kinoberan namin 1st Philippine Sports Commission-Sen. Emmanuel Pacquiao Cup Amateur Boys Boxing Tournament 2018.

Magkakakakuwarto kaming tatlo sa Tubod Flowing Water Resort tapos ng isang oras at 15 minutos na pagla­lakbay sa himpapawid at dalawang oras sa kalsada. Naantala ng halos dalawang oras ang biyahe ng Philippine Airline mula Pasay City-pa-Cebu City.

Nausisa sa amin ni Abante/Abante TONITE Sports Editor Enjelberto Manato sa huling meeting sa amin ng aming mga boss na sina President Rey Marfil, General Manager Gil Cabacungan, Jr. at Managing Editor Jeane Lacorte, ang biglaan nang pag-iiba sa kasuotan ng mga balibolista sa 80th University Athletic Association of the Philippines 2017-2018 women’s indoor volleyball tournament.

Mula sa cycling short at team short nilang mga ginagamit sa bawat game sa kaagahan ng torneo, ngayo’y nagbibihis pa sila ng thermal suit.

Kaya dati na kita ang kanilang mga binti, hita, tuhod, braso at siko, ngayon ay balot na balot na ang mga iyon. Mukha, leeg at mga kamay na lang nila ang walang balot.

Kung dati rin ay naglalagay kami ng kanilang mga larawan sa aming pahayagan kasama ang sinulat na mga istorya ng aming mga reporter na kumokober sa liga na sina Elech Dawa at Christian Cortez, ngayo’y madalang na. Mahina na ang dating.

Sa pag-uusisa ko kay Brijon, Biyernes ng gabi, nasabi niya at nakumpirma niya sa mga kapwa niya camareman, videographer at sa socmed, na may isang campus paper na photographer ang puwedeng aksidente o nanadyang makakuha ng isang magandang player sa isang game na aksidenteng bumagsak sa sahig na nasira ang kasuotan.

Naaktuhan ng bagitong litratista o nagpapanggap na fotog ang pangyayari. Kinunan ang singit, tapalodo o pribadong bahagi ng byuting manla­laro. Kaya hayun ang naging simula sa pagbabagong bihis na balot na ballot ng mga volleybelle sa UAAP.

At pero may mga ibang hindi naman ganung katago ang kaseksihan sa kanilang pananamit. Hindi rin naman daw mandatory ang pag-iiba ng panamit sa mga laro ng mga volleybelle.

Sa aking pananaw, dapat nang limitahan ang mga nakober na campus paper sa mga ballgame ng liga gaya ng volleyball. Dapat prayoridad ang mga propesyonal print, broadcast at online media. O ang daily newspaper, TV, radio at sports portal.