Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakit nagkakagulo sa Ivermectin?

0 368

Kumalat sa social media ang larawan ng 98 taong gulang na dating Senador Juan Ponce Enrile na umiinom ng isang kapsulang hating dilaw at pula ang kulay. ‘Yun daw ang sikreto ng dating mambabatas kaya’t ‘di siya nagkakaroon ng Covid. Sumunod dito ang pag-ingay ng pangalan ng isang municipal doctor sa Muntinlupa na si Dr. Allan Landrito. Nag-repack at nagreseta ang doktor ng gamot na ito para sa mga nagsisimula pa lang ang simtomas sa Covid at ang mga ito raw ay gumaling.

Naging maingay bigla ang gamot na Ivermectin sa harap ng tumataas na kaso ng Covid 19 sa bansa.

Ano ba ang Ivermectin? Una ko itong narinig sa beterinaryo ng aso ko. Ibinigay ito para maiwasan ang roundworm, heartworm at iba pang parasites. Sa tao naman, maaari itong pamatay ng kuto at mga bulate.

Tatlo hanggang apat na dekada nang gamot ang Ivermectin sa parasite, pero pinag-aralan na rin ito para panlaban sa Zika virus, dengue at iba pang viruses.

Noong April at May 2020, sinimulang pag-aralan ang paggamit ng Ivermectin sa mga pasyente mula sa Dhaka, Bangladesh na may mild Covid. Sa isang randomized, double-blind, placebo-controlled trial, pinag-aralan ang epekto nito sa 72 nasa ospital na mga pasyente dahil sa Covid.

Ang isang grupo ay binigyan ng oral Ivermectin na 12 mg. bawat araw sa loob ng 5 araw. Ang isa namang grupo ay binigyan ng 12 mg. oral Ivermectin na may kasamang 200 mg. Doxycycline sa unang araw, at 100 mg. Doxycycline sa bawat 12 oras sa sumunod na apat na araw. At ang panghuling grupo ay binigyan ng placebo o gamot na ang laman ay gawgaw. Lahat ng pasyenteng pinag-aralan ay may lagnat, ubo at sore throat.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Nakita sa pag-aaral na mabilis ang paggaling ng uminom ng Ivermectin at nawala ang virus ng mga ito sa loob ng siyam na araw (9.7 days). Ang uminom ng kumbinasyon ng Ivermectin at Doxycycline ay gumaling sa loob ng 11 araw (11.5 days). Ang nag-placebo ay gumaling din pero inabot ng 12 araw (12.7 days). Wala ring nakitang side effects na negatibo sa isinailalim sa trial. Pero ginamit lang nila ito sa kakaunting pasyente at sa isang kontroladong laboratoryo kaya’t ayon sa resulta ng pag-aaral, kailangan pa ng mas malawakang trial para makumpirma kung totoong nakakatulong ang Ivermectin sa mga pasyenteng may Covid.

Sa isang pag-aaral naman ng Monash Biomedicine Discovery Institute, lumabas na nabawasan ang pagdami ng nga selulang apektado ng Sars Cov 2 (Covid 19) makaraang lagyan ng Ivermectin . Sa loob ng 48 oras, nagkaroon ng 99.8% na kabawasan ang impeksyon sa virus. Pero ayon sa sumunod na pag-aaral ng grupo ni Momekov na isinapubliko noong May 2020, lumabas na nangyari lang ang pagkawala ng virus dahil tuloy tuloy ang exposure nito sa Ivermectin sa laboratoryo, na imposibleng gawin naman sa taong tatargetin sa clinical trial. Kaya ang kanilang konklusyon, kailangang pag-aralan muna ang safe dosage para sa tao bago ikonsiderang gamitin itong panggamot sa Covid.

May ilan pang nagsagawa ng pag-aaral sa buong mundo, pero wala pa ring conclusive at supisyenteng ebidensya na magpapatunay na ang Ivermectin ay nakakatulong sa paggamot ng Covid o sa paghadlang nito sa mga hindi pa nagkakaroon.

Dahil sa hindi kumpleto ang impormasyon, maliliit lang ang trials, at walang conclusive evidence ng pagiging effective ng Ivermectin sa mga Covid patients, hindi pa rin ito inirerekomenda ng World Health Organization, US Food and Drug Administration at European Medicines Agency na gamitin para sa Covid patients.

Pero dito sa ating bansa, ipinaglalaban ng ilang grupo na payagan na ang paggamit ng Ivermectin para sa Covid. Bigla ring nagkalat ang nagbebenta ng gamot na ito sa internet at sa mga tabi-tabi. May isa pang kongresistang nag-anunsyo na magpapamigay siya ng gamot na ito sa isang lungsod sa Metro Manila.

Mas lalong nagkagulo dahil wala nang reseta at payo ng doktor ang pag-inom nito. Kanya kanya nang paraan at dami ng pag-inom. Mas delikado.

Ayon sa US FDA, kahit na ang aprubadong paggamit ng Ivermectin laban sa parasites ay delikado kung mapapasobra ang dosage at kung may iniinom na kasabay na gamot, tulad ng mga blood thinners. Ang mga nag-o-overdose sa Ivermectin ay maaaring makaranas ng pagsusuka, pagkahilo, pagtatae, pagbaba ng blood pressure, allergic reaction tulad ng pangangati at rashes, magkakaproblema sa balanse, neurological disorder o brain damage, pangingisay (seizure), coma at maging kamatayan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.