Abante Tonite Interactive

Bakit nagkakaubusan ng rabies vaccine?

By
141

Nakakakaba naman ang balita na ito na namemeligro daw ang supply ng anti-rabies vaccine sa mga local health center. Naka­kabahala naman na walang available na bakuna dahil nakamamatay ang rabies at ang sinumang makagat ng aso o anumang hayop na may rabies ay kailangang mabakunahan sa loob ng 24 oras dahil 100%? “fatal” ito at ang sinumang mabiktima ay maaa­ring mamatay agad.

Noong nakaraang buwan lamang, tinawagan ako ng aking kaibigan dahil ‘yung kanyang “helper” sa bahay ay nakagat ng aso. Nagtangkang pumunta sa health center itong si Leila para magpaturok ngunit wala na daw suplay doon kaya pinatungo siya sa San Lazaro Hospital.

Binigyan siya ng opsyon na bumili na lamang ng vaccine kung may pera pero kahit saang botika siya magpunta ay wala rin talagang mabili.

Ganyan nga ang sitwasyon at sa nakalap natin sa Animal Bite Treatment Center sa lungsod ng San Juan, hanggang unang apat na buwan lang ng taong 2017 ang kanilang suplay ng bakuna mula sa DOH.

Ano kaya ang nangyayari at walang avai­lable na anti-rabies vaccine? Delikado pa naman ito at nakamamatay. May ginagawa bang aksyon ang DOH dito?

Inamin ni Department of Health Undersecretary Eric Domingo na may kakulangan ngayon ng suplay dito at may “global shor­tage” ng bakunang anti-rabies dahil isa sa pinakamalaking supplier nito na GSK ay may “contaminated supply” kinailangang i-recall ang halos 50 porsiyento ng suplay nito.

Alam nating malaki ang populasyon ng mga aso sa ating bansa at 100% fatal ang rabies. Dapat ay matugunan sana agad ang problemang ito dahil maging ang World Health Organization (WHO) ay may kampanya para mapuksa ito by 2030.

Nanawagan naman ang taumbayan sa pamahalaan na agapan na ang problemang ito at maghanap ng alternatibong solusyon para sa ikapapanatag ng loob ng madlang Filipino. Seryosong problema ang rabies at ‘wag na sana nating hinta­yin na may madagdag pang mamatay.