Abante Tonite Interactive

Bakit nagsara?

394

Marami ang nagtataka kung bakit nagsara ang Honda Cars Philippines Inc. (HCPI) matapos ang 28 taon na operasyon sa Sta. Rosa, Laguna. Sabi ng marami, kaya tumindi ang trapik sa Metro Manila ay dahil sa sumisipa ang bentahan ng sasakyan.

‘Yong mga call center agent kasi ngayon, parang singko lang sa kanila ang pagbili ng kotse. Dagdag pa ang mga Chinese na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) na nakabibili ng sasakyan at nagmamaneho kahit walang driver’s license.

Sabi ng Malacañang, wala itong kinalaman sa pinapataw na buwis. Malinaw na hindi umubra ang Honda sa mahigpit na kompetisyon.

Kung sisipatin natin ang bentahan ng sasakyan noong Oktubre 2019, pinakamarami sa nakapagbenta ang To­yota sa mahigit 16,000 unit. Sumegunda ang Mitsubishi sa higit 5,000 unit at pangatlo ang Nissan sa higit 3,600 unit. Nasa ika-apat na puwesto ang Suzuki at panglima ang Ford. Ibig sabihin, kulelat ang Honda.

Kaya mataas ang benta ng Toyota, pumapa­yag sila na magamit itong pang-taxi o UV Express. Marami ring unit ang ginagamit ng Grab driver. Ang Honda, ayaw nilang ipapagamit ang kanilang unit sa public transportation.

Isa pa sa hinahanap ng mga buyer, ‘yong matibay at madaling makakuha ng spare parts kapag may sira. Sa kaso ng Toyota, tambak ang mabibilhan ng spare parts.

Nakalulungkot na maraming empleyado ang mawawalan ng trabaho sa pagsasara ng HCPI.

Magbigay man ng financial assistance ang Department of Labor and Employment, hindi ito sapat para mabuhay ang kanilang pamilya.

Ang kailangan nila ngayon ay ang mali­lipatang trabaho o kaya ay makapagtayo ng negosyo mula sa makukubrang separation pay sa kompanya.