Abante Tonite Interactive

Bakit si Sanchez pa?

1,117

Nagulantang naman ako sa balitang pagpapalaya sa convicted murderer na si dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Sa mga hindi nakakakilala kay Sanchez, siya lang po ang nasa likod ng pag-rape at pagpatay sa dalawang estudyante ng University of the Philippines Los Baños noong 1993 at hinatulan ng rec­lusion perpetua o pagkakakulong ng 30-40 taon.

Naging usap-usapan ang pagpapalaya kay Sanchez dahil naging pahayag ni Department of Justice (DOJ) Secretary Menardo Guevarra na kasama si Sanchez sa mga kuwalipikadong mapababa ang sentensya batay sa mas pinalawak na Republic Act No. 10592.

Sabi ng DOJ, nagpakita raw ng good performance at na­ging produktibo sa kulungan itong si Sanchez.

Alam kong wala tayong sey dahil isinasaad ito ng batas. Kanya nga lamang hello, sa lahat ng convicted sa isang rapist na murderer pa talaga tumama ang suwerte?

***
Sa isang banda, mukhang suwerte ring masasabi ang nangyayari ngayon sa Kamara dahil sa kabila ng napakaraming pista opis­yal ay naipasa sa third reading ang House Bill 1026 o ang pagtataas ng buwis sa mga inuming nakakalasing na isa sa mga priority measures ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Kaya kumusta naman ang mga nagsasabing masyadong marami ang deputy speakers na itinalaga ni House Speaker Alan Cayetano na posibleng magresulta ito sa mabagal na trabaho ng Mababang Kapulungan ng Kongreso?

Papaano ba naman ay nabaligtad ang pangyayari sapagkat napabilis pa ang trabaho sa Kamara.

Siyempre naman may kani-kaniyang tinututukang sektor ang mga deputy speaker kaya imposibleng wala silang magawa.

Sabi-sabi nga ibang klase raw ang bagong liderato ng Kamara dahil sa loob lamang ng isang buwan ay naipasa ang priority bill ng Pa­ngulo.

Kung ganito ang kalakaran ngayon sa Kamara, aba’y mas maraming matitinong batas na ang papasa.

Kanya nga lamang, kayod kalabaw talaga ang mga mambabatas dahil balita ko ay hanggang Biyernes na ang pagdinig.

Ibig sabihin mas mahabang oras na ang ilalaan ng mga congressman sa kanilang trabaho.

Sabagay sang-a­yon tayo sa kalakaran ngayon sa Kamara para naman maipa­kita ng mga iniluklok nating mga mambabatas na nagtatrabaho sila at hindi kukuya-kuyakoy.