Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakterya level sa Manila Bay bumaba

0 42

Binahagi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na nakapagtala ng pagbaba ng fecal coliform level sa Manila Bay.

Ayon kay DENR Secretary Roy Cimatu base sa water sample na nakuha noong Pebrero 8 mula sa 21 station sa Manila Bay, mas bumaba ang fecal coliform mula sa average na 7.16 million most probable number per 100 milliliter noong 2020, ay naging 4.87 million mpn/100ml ito sa kasalukuyan.

Kaugnay pa rin ito ng nagpapatuloy na kampanya ng DENR na tuluyang malinis ang nasabing baybayin.

Bukod dito, binanggit pa ng kalihim na ang fecal coliform level sa tubig malapit sa beach nourishment project ay bumaba mula sa 2.2 million mpm/100ml noong Enero 4 ay naging 523,000 mpn/100ml nitong Pebrero 8 base na rin sa average count ng tatlong monitoring station.

Sa kabila ng mga hadlang dahil na rin sa iba pang obligasyon at ng coronavirus 2019 pandemic, sinabi ni Cimatu na nagpupursige ang ahensya upang mabigyan ng solusyon ang mga problema sa Manila Bay, partikular na ang water quality.

“Amidst the other tasks that we are also seriously taking on and the restrictions brought about by the pandemic, we assure the Filipino people that our focus to clean Manila Bay is crystal clear,” pahayag ni Cimatu.

“We have doubled, if not tripled, our efforts to rehabilitate Manila Bay, especially in bringing down the water’s fecal coliform,”paliwanag pa ni Cimatu.

Inulit din ng DENR chief ang kanyang pangako na maibaba ang fecal coliform ng Manila Bay sa Class SB upang maging ligtas na ito para sa recreational activity at fishing.

“We will make sure that we continue to clean the waters of Manila Bay until it becomes safe again for contact activities,” aniya.

Ayon pa kay Cimatu, na siya ring chair ng Task Force Build Back Better, ipagpapatuloy nila ang pagpapatupad ng mga kinakailangang pagbabago upang maisaayos ang water quality ng Manila Bay.

Sinabi pa nito na naglagay na rin ng karagdagang water quality monitoring station sa kahabaan ng Manila Baywalk sa Roxas Boulevard bukod pa sa regular station na ginamit noong 2019 at 2020 upang ma-monitor ang fecal coliform level ng tubig na nanggagaling sa major outfall.

Idinagdag pa ng DENR chief na patuloy ang operasyon ng itinayong sewage treatment plant sa Manila Yacht Club na isa rin sa tumutulong upang maibaba ang fecal coliform sa mga daluyan ng tubig patungo sa Manila Bay. (Riz Dominguez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.