Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakuna card invisible na

0 171

Nagmistulang ningas-kugon ang paghihigpit sa mga taong lumalabas at nagtutungo sa mga establisimento dahil maraming negosyo ngayon ang hindi na sumusunod sa polisiyang ipinatupad na “no vax card no entry”.

Malayang nakakapasok na sa mall ang kahit sino at hindi na hinahanapan ng vax card ng mga nagbabantay sa entrance ng establisimento.

Ayon sa nakausap nating security guard, noong una ay mahigpit sila sa pag-check pero kalaunan ay hindi na hinahanap ang vax card.

Sa madali’t-sabi, hindi na naman nasusunod ang inisyatibang ipinairal ng pribadong sektor sa layuning mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 lalo na sa mga hindi pa bakunado na posibleng may bitbit na virus sa katawan.

Sa mga unang araw ng Enero ay ramdam ng mga tao ang ipinatupad na “no vax no entry” policy dahil marami ang nahaharang at marami ang hindi pinapapasok sa mga establisimento pero ngayong nasa kalagitnaan na ng buwan ay lumaylay ang paghihigpit.

Personal kong naranasan ito nitong Sabado kung saan tila walang nakita ang guwardiya pagpasok ko sa isang maliit na mall kaya nagtaka ako kung bakit wala na ang dati ay mahigpit na inspection ng vax card.

Dahil makulit ako, tinanong ko si manong guard at sinabi niya na noong una lang sila naghigpit at ngayon ay tuloy tuloy na sa loob ang kahit na sino, bakunado man o hindi.

Paano pala kung yung nasa unahan kong pumasok ay hindi bakunado at may bitbit na virus o kaya yung nasa likod ko ay hindi rin bakunado at nakasagap ng COVID-19 na nalipad sa hangin at inabot ako dahil wala pang isang dipa ang social distancing namin.

Paranoid lang ba ako? Ang sagot: hindi po. Nag-iingat lang ako pero ang mga tagabantay at tumutulong sana para mapigil ang pagkalat ng COVID-19 ay tila pagod na rin sa halos dalawang taong nararanasang pandemya.

Kanino ang sisi? Ang publiko po na ang iba ay hindi makaintindi at walang pakialam sa kaligtasan at kalusugan ng kapwa.

Kung maayos sana tayong sumusunod bilang isang bansa ay baka hindi natin naranasan muli ang libo-libong bilang ng mga nagkakasakit at tinamaan ng delubyo ng COVID-19.

Konting pakisama lang kaibigan, sumunod sa mga pag-iingat ng gobyerbo at kung hindi bakunado at ayaw tumanggap ng COVID vaccine, huwag lumabas ng bahay, utang na loob!

Leave A Reply

Your email address will not be published.