Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakuna para sa mga bata

0 238

Nagsimula na ang physical classes sa ilang piling public elementary at high schools sa bansa kasunod ng patuloy na pagbaba ng Covid-19 cases.

Dito sa Tanza, cavite, ngayong Marso sisimulan ang face-to-face classes sa mga public school kung saan 20 students lang ang pahihintulutang makapasok kada kuwarto.

Dahil magsisimula na ang in-person classes, tuloy sa paghikayat ang lokal na pamahalaan sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak. Nitong isang linggo, nagsimula na ang Kids Vaccination o ang pagtuturok ng Covid-19 vaccine sa mga edad lima hanggang labing-isa.

Nagmistulang amusement park ang eskuwelahan kung saan ginanap ang bakunahan dahil sa dami ng mga palaro at giveaways sa mga bata. Bukod pa ‘yan sa cartoon character-inspired costumes ng mga miyembro ng vaccination team. Sa ganitong paraan, madaling nakuha ng RHU Tanza ang loob ng mga batang magpapabakuna.

Ayon kay Dr. Ruth Punzalan, Municipal Health Officer – Tanza, ‘Alam naman natin ang mga bata, pag sinabi mong injection, takot. Pero ‘yung pagpupunta sa school, sa ating vaccination area, mas relaxing, ilo-look forward ng ating mga kids’.

Dito sa Tanza, walang walk-in sa Kids Vaccination. Iniiwasan kasi ang dagsa ng mga magpapabakuna kaya kailangang naka-schedule ang lahat ng magpapaturok. Kaya matapos magparehistro online, hintayin daw muna ang text message mula sa vaccination team ng inyong schedule.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Importante ring may kasamang magulang o guardian ang bata sa pagpapabakuna. Kailangang may dalang dokumentong magpapatunay ng relasyon ng bata sa magulang gaya ng birth o baptismal certificate. Magdala rin ng valid id na may litrato.

Kung may comorbidity ang bata, huwag kalimutan ang medical certificate.

Sakaling wala ang magulang ng bata, pinakamainam na may Special Power of Attorney o SPA ang magsasama sa bata. Kailangang naka-notaryo ito. Puwede rin ang certification mula sa punong barangay.

Paalala pa ng mga health expert, hindi rin puwedeng bakunahan ang batang may allergy sa anumang sangkap ng bakuna gaya ng polyethylene glycol o PEG at polysorbate. Pfizer ang brand na inilaan ng gobyerno para sa mga bata.

Sa kabila ng inisyatibo ng gobyerno na maturukan ng panlaban sa Covid-19 ang mga bata, ilang magulang ang tumututol dito. Hindi sila pabor na mabakunahan ang mga edad lima hanggang labing-isa. Pilit pa rin nilang iniuugnay ang vaccination sa nangyaring Dengvaxia scare noon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.