Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakuna para sa mga Bata

0 363

Hindi pa tapos ang laban ng buong mundo sa Covid-19 lalo pa’t may mga nadidiskubreng bagong variant sa ibang bansa. Kaya naman tuluy-tuloy ang vaccination drive ng gobyerno para mapagtagumpayan ito ng mga Pilipino.

Pero hindi lang dapat sa Covid-19 vaccination nakatuon ang atensyon natin. Higit ding kailangan ng lahat ng population groups partikular ng mga sanggol sa Pilipinas ang National Immunization Program o NIP ng Department of Health.

Taong 1976 pa opisyal na inilunsad ang basic immunization para sa mga sanggol at mga batang edad walo pababa. Mula nang ilunsad ito ng gobyerno, patuloy na pinalalawak ng DOH ang serbisyo ng pagbabakuna.

Layunin ng NIP na mabakunahan at maiiwas sa mga Vaccine-Preventable Disease o VPDs ang mga Pilipino sa bawa’t yugto ng buhay o ang life course approach. Kabilang dito ang bakuna kontra Measles, Rubella, Tetanus at Diphtheria. Bukas ang NIP sa lahat ng batang Pilipino anuman ang estado sa buhay.

Sa panahon ngayon, importante ang pagpapabakuna dahil pinoprotektahan nito ang mga bata mula sa VPDs na maaaring magdulot ng seryosong komplikasyon kapag hindi nabigyan ng agarang lunas. Mas vulnerable ang immune system ng batang hindi bakunado.

Kung ang isang bata, lalo na nga’t isang sanggol, ay lumiban sa bakuna, siya ay madaling kapitan ng ilan sa mga VPDs. Bukod pa rito, siya ay maaaring pagmulan ng impeksyon na puwedeng maging daan para mahawa pa ang iba sa kanyang komunidad.

Kapag hindi nagpabakuna, may epekto rin ito sa kabuhayan ng isang pamilya. Oras na magkasakit ang sanggol dahil hindi bakunado, malaki ang tsansang lumiban sa trabaho ang tagapangalaga. Kung kaya’t malaking kawalan sa pananalapi ng pamilya ang maaaring mangyari kung ang anak ay liliban sa bakuna.

Kapag ang isang sanggol ay hindi napabakunahan, nalalagay siya sa isang matinding panganib. Hindi malayong magkakaroon ng malubhang sakit gaya ng measles, mumps at whooping cough. Ang mga batang hindi nabakunahan ay posibleng mangailangan ng pangmatagalan na gamutan o kaya naman ay maharap sila sa mga sakit na walang lunas gaya ng polio.

Maaaring malagay ng mga magulang ang buhay ng kanilang anak sa kapahamakan kapag pinipili nilang hindi ito pabakunahan. Maliban dito, ang ibang miyembro ng komunidad ay maaari ring malapit sa kapahamakan kung sila ay ma-expose sa mga magkakasakit na bata.

Lalo pang pinagtibay ng DOH ang immunization program matapos itakda ang Miyerkules bilang “Bakuna Wednesdays” para sa pagpapabakuna ng mga bata sa lahat ng barangay. Ito ay maliban pa sa pagpapabakuna sa ibang araw kung saan ang bakuna ay binibigay ng libre sa mga barangay health center at iba pang public primary care facilities.

Samantala, dahil sarado ang mga paaralan at walang face-to-face classes dulot ng COVID-19 pandemic, ang School-Based Immunization o SBI ay isasagawa muna sa mga komunidad.

Leave A Reply

Your email address will not be published.