Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakuna “sa malamig”

0 80

Ano na ang sitwasyon ng pandemya ng COVID-19 sa bansa? Ayon sa mga datos na inilalabas ng Department of Health at pagsuri nito ng ilang mga grupo, maaaring sabihin na rumurok ang pagdami ng bilang ng mga kaso bawat araw noong Agosto, ngunit hindi pa rin masasabing “napatag na ang kurba” ng pandemya. Nasa saklaw pa rin ang bansa sa isang mahabang “first wave” na nagsimula noong Marso.

Ngayong Martes, may 1,148 na bagong kasong naiulat, nasa sa 410,718 ang kabuuang bilang ng confirmed cases, habang 7,862 ang bilang ng nasawi dahil sa COVID-19. Ayon sa isang research group, may 9 na LGU na “high risk,” o “areas of serious concern,” kung saan may banta ng mabilis na paglaganap ng sakit. Kabilang dito ang mga lungsod ng Makati, Batangas, Lucena, Baguio, at Davao. Nasa ilalim pa rin ang buong bansa sa iba’t ibang anyo ng kuwarentina o lockdown.

Nagdulot ng malawakang pinsala sa ekonomiya at ibayong paghihirap at pagdurusa sa marami ang kabiguan ng administrasyong Duterte na makontrol ang paglaganap ng coronavirus, na pinalala ng labis na pagsandig sa pulis at militar at pagpataw ng kamay na bakal upang pagtakpan ang kakapusan sa mass testing, tracing, isolation, at treatment at maagap na pagbigay ng ayuda.

Sa simula ng Nobyembre, inanunsiyo ng administrasyon na inaprubahan na ng Pangulo ang Philippine National Vaccine Roadmap, na sumasaklaw sa iba’t ibang yugto mula sa pagpili ng bakuna, pagpapalitaw ng pondo, pagbili, pag-angkat, paghatid at pag-imbak, hanggang sa pamamahagi at pagturok ng bakuna sa buong populasyon. Bubuuin umano ang isang National Task Group on COVID-19 Vaccination sa Disyembre. Tinataya na makukumpleto ang pagpili, pagbili, at pagbalangkas ng plano sa unang kwarto ng 2021.

Walang duda na susing hakbang sa pagkontrol sa pandemya at panumbalik sa “normal” na takbo ng lipunan ang pagtuklas at malaganap na pagturok ng bakuna sa populasyon ng buong daigdig. Magandang balita ang pag-anunsiyo na mahigit 90% effective daw ang bakuna ng Pfizer, samantalang 94.5% effective naman umano ang sa Moderna.

Habang pambihira ang bilis ng pagsulong sa pagtuklas at pagsubok sa bisa at kaligtasan ng mga bakuna laban sa COVID-19, maling isipin na napipinto na ang katapusan ng pandemya, at maaari nang magluwag o magpabaya ang gubyerno at populasyon sa mga hakbangin kontra sa coronavirus. Kalakip sa datos kaugnay sa bisa ng mga nabanggit na bakuna ang ilan pang impormasyon na kailangang pagmuni-munihan. Kailangan umanong panatilihing malamig ang bakuna ng Pfizer at Moderna para manatiling epektibo at hindi mapaso. Gaano kalamig? Sa kaso ng bakuna ng Pfizer, -70 degrees Celsius, o kasinlamig ng Antarctica. Sa kaso ng sa Moderna, -20 degrees Celsius para sa pangmatagalang pag-imbak, at -4 degrees Celsius (temperatura ng karaniwang freezer) hanggang 30 araw lamang. Upang mapanatili ang kanilang bisa, kailangan ng mga bakunang ito ng “cold chain” – network ng mga pasilidad (freezer o refrigerator) mula pabrika, hanggang delivery truck, ospital, barangay health center, at klinik. Bilang mahirap na bansa, wala tayong ganyang nakalatag na sistema. Isa lamang ito sa mga detalyeng pang-lohisitka na nagpapatunay na hindi magwawakas sa isang iglap ang pandemya ng COVID, dumating man ang bakuna.

Leave A Reply

Your email address will not be published.