Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakuna tungo sa road to zero cases

0 966

Nagsimula na ang malawakang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa karamihan ng mga lungsod sa Metro Manila kabilang ang Taguig.

Isa ang COVID-19 vaccination program sa mga solusyon na magdadala sa atin patungo sa zero cases sa lungsod at maging sa buong bansa.

May ilang nagdadalawang-isip na magpabakuna at nagtatanong kung ano ang saysay nito kung kailangan pa ring magsuot ng face mask at face shield, maghugas lagi ng kamay at sundin ang wastong physical distancing.

Ang bakuna, alin mang brand ito basta aprubado ng mga awtoridad at ng Food and Drug Administration o FDA ay magbibigay sa atin ng dagdag proteksyon laban sa virus. Maiiwasan ang pagkakasakit nang malubha mula sa COVID-19, pagpapaospital o pagkamatay kung tayo ay nakakumpleto na ng nasabing bakuna.

Kung dadami ang mababakunahan ay hihina ang hawaan at pagkalat ng virus. Ang bakuna ay naghuhudyat sa katawan na gumawa ng antibodies bilang proteksyon para malabanan ang malubhang sakit dulot ng COVID-19. Ang target ng nasyonal na pamahalaan ay mabakunahan ang 70 million adult Filipinos o 100% ng ating adult population laban sa COVID-19 upang tapusin ang pandemya sa bansa.

Alinsunod sa programa ng Department of Health (DOH), kasabay ng pagbabakuna ay ang agresibo pa ring testing, contact tracing, isolation at paggamot sa mga nagpopositibo sa COVID-19. Hindi dapat tayo maging kampante sa pagdating ng mga bakuna. Patuloy pa rin ang Prevent, Detect, Isolate, Treat and Reintegrate (PDITR) strategy upang pigilan pa ang pagkalat ng virus.

Marami ang nagsasabing walang side effects sa kanila ang bakuna ngunit may ilan ding nakaranas ng mga side effects na katulad ng nararanasan sa ibang bakuna. Ayon sa mga medical experts, patunay ito na umeepekto ang bakuna sa iyong katawan. Mas matimbang ang mga benepisyong dulot ng bakuna para sa ating kalusugan kaysa sa panganib na dulot ng mga side effects nito.

Kaya naman walang tigil ang paalala ng lokal na pamahalaan sa mga dapat magpabakuna tulad ng mga medical frontliners, senior citizens at mga indibidwal na may medical conditions o yung tinatawag na may mga “comorbidities” na huwag mag-atubili at magpabakuna na. Hindi lang ito proteksyon para sa sarili ngunit pagmamalasakit din ito para sa kaligtasan ng ating kapwa.

May mga vaccine expert panels tayo na pinag-aralang mabuti ang mga COVID-19 vaccines bago inaprubahan ang Emergency Use Authorization o EUA ng FDA. Dahil nakikinig tayo sa mga eksperto, kampante tayong ligtas at epektibo ang mga bakunang ginagamit natin ngayon.

Sa Taguig, nagtalaga tayo ng limang Vaccination Centers na madali at mabilis na mapupuntahan ng mga Taguigeños. Sa kasalukuyan, mayroong dalawang Mega Vaccination Hubs sa Lakeshore at Vista Mall at tatlong Community Vaccine Centers sa R.P. Cruz Elementary School, Maharlika Elementary School at EM’s Signal Village Elementary School.

SM food to go Banner Ad

Sa mga susunod na linggo ay magbubukas pa ng karagdagang vaccine centers sa BGC at iba pang lugar sa lungsod tulad ng mga school o covered court, upang mapabilis pa ang pagbabakuna kapag dumating na ang maramihang supply nito. Target ng Taguig na makapagbakuna ng 10,000 hanggang 15,000 na katao bawat araw na nakadepende sa supply na darating.

Dahil maayos, organisado at alinsunod sa naitakdang prioritization list ng DOH ang ating vaccination program, halos 90% ng ating medical frontline workers na nasa A1 priority group ay nabakunahan na ng first dose. Sinisimulan na rin ang kanilang vaccination para sa second dose.

Ang mga nasa A2 priority group o senior citizens at A3 priority group na persons o non-senior adults with comorbidities ay sinimulan na ring bakunahan.

Binibigyang prayoridad natin ang mga may mataas at direkta ang exposure sa virus tulad ng mga frontline health workers at uniformed personnel. Prayoridad din ang senior citizens at persons with comorbidities na kabilang sa vulnerable sector dahil sila ang higit na apektado at mas malubha ang kanilang magiging kalagayan na dulot ng kanilang pre-existing medical conditions kung mahawaan sila ng virus.

Araw-araw ay tuloy-tuloy ding hinihikayat ng mga lokal na pamahalaan ang lahat, lalo na ang mga nasa priority sectors, na magparehistro sa vaccine registration ng kanilang lungsod. Maaaring magtungo sa bit.ly/VaccineRegistrationDirectory ng DOH at hanapin ang link para sa inyong LGU upang magparehistro. Para sa mga Taguig, ang Taguig Registry for Access and Citizen Engagement (TRACE) ay maaaring idownload sa Google Play o App Store o maaari ring magtungo sa trace.taguig.gov.ph.

Kinakailangan lamang kumuha ng QR Code sa Taguig TRACE upang mag-register para sa vaccination ang mga Taguigueño.

Mahigpit nating sinusunod ang prioritization list kung saan uunahin muna ang mga nasa A1, A2 at A3 dahil sa ngayon ay limitado pa ang supply ng mga bakuna na mula sa nasyonal na pamahalaan. Sa third quarter ng taon ay inaasahang darating ang order ng lokal na pamahalaan ng Taguig na AstraZeneca, Covovax, Covaxin at Moderna.

Aabisuhan ang mga eligible priority groups para sa schedule ng kanilang vaccine appointment sa pamamagitan ng text, call, e-mail o house-to-house upang hindi nila makalimutang magpabakuna.

Titiyakin natin na lahat ng nais na magpabakunang Taguigeño ay mababakunahan. Kasabay pa rin nito ang mahigpit na pagpapatupad ng health protocols tulad ng pagsuot ng mask, wastong physical distancing at palagiang paghuhugas ng kamay. Gamay at nakasanayan na natin dapat ito. Lubusang pag-iingat pa rin ang kailangan upang makaligtas laban sa virus.

Sa pagtutulungan nating lahat at laging pagsasaisip sa kahalagahan ng pagmamalasakit sa kapwa, mas mabilis nating matatahak at makakamit ang tagumpay tungo sa road to zero cases.

Leave A Reply

Your email address will not be published.