Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakunado ng Sinopharm nganga sa booster

0 164

Wala pang mairekomendang booster shot ang mga eksperto para sa mga indibiduwal na binakunahan laban sa COVID-19 gamit ang Sinopharm vaccine sa bansa.

Inilahad ito ni Department of Health (DOH) Undersecretary Myrna Cabotaje sa Laging Handa public briefing kahapon dahil kulang pa aniya ang mga datos na naisumite sa Food and Drug Administration (FDA) kung ano ang maaaring ibigay na booster shot sa mga tumanggap ng una at pangalang dose ng Sinopharm.

Inaabangan din aniya ng DOH ang magiging anunsiyo ng World Health Organization (WHO) kung ano ang irerekomendang booster para sa mga tinurukan ng Sinopharm vaccine.

“The experts have not come out with a recommendation booster shots, because kulang ng data ang nai-submit sa FDA kung ano iyong puwedeng ibakuna,” paliwanag ni Cabotaje.

Pinayuhan ng opisyal ang publiko na maghintay-hintay lang dahil palagi naman aniya sila nakikibalita sa FDA kung mayroon nang magagamit na booster para sa mga nakatanggap ng Sinopharm vaccine.

Mayroon aniyang ibinigay na platform ang WHO kung paano gamitin ang booster shots kaya ito ang tinitingnan nila na maaaring i-pang booster sa Sinopharm.

SM food to go Banner Ad

“So maghintay-hintay lang muna, although palagi nating tinatanong sa ating experts at saka sa FDA kung ano ang puwedeng ibakuna,” dagdag ni Cabotaje.

Nauna rito ay ibinalita ni acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles na binigyan na si Pangulong Rodrigo Duterte ng booster shot ng Sinopharm.

Matatandaan na Sinopharm vaccine din ang itinurok sa Pangulo para sa una at pangalawang dose ng bakuna sa kanya.

“Wala naman pong masamang epektong naidulot sa pagkakaalam namin, again itong mga bakuna ni Pangulong Duterte, is something between him and his personal physician,” sabi ni Nograles.

Ang Sinopharm vaccine ay gawa ng Beijing Institute of Biological Products, isang subsidiary ng China National Biotec Group. (Aileen Taliping/Prince Golez)

Leave A Reply

Your email address will not be published.