Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bakunado pero mahahawa at makakahawa pa rin ako

0 194

Nagpabakuna ako dahil naniniwala akong mapapalakas ang aking antibodies laban sa Covid-19. Nang magbiyahe ako sa Amerika noong Hulyo, hindi pa requirement sa pagpasok sa kanilang bansa ang bakuna. Pero dahil nang umalis ako ng Pilipinas ay hindi pa available para sa aking kategorya (A4 – media at iba pang nasa services industry) ang bakuna laban sa Covid-19, nag-walk in ako sa Walgreens Pharmacy sa Kissimmee, Florida para makakuha ng bakuna. Delikado rin kasi ang sitwasyon sa Amerika noon lalo na nang tumaas ang kaso ng Delta variant, bukod sa ang kasama ko sa bahay ay dalawang senior citizens na may karamdaman.

Wala namang naging adverse effects ang Moderna vaccine sa akin, maliban sa bumigat ang pakiramdam ng braso ko at namaga ang lugar na tinurukan ng dalawang araw.

Pero, alam kong mahahawa pa rin ako at makakahawa ng Covid-19 kahit bakunado na ako. Hindi isang pangharang o shield ang bakuna para hindi ako mapasok ng Covid. Nabawasan lang ang tsansang lalala ang kondisyon ko kapag nahawahan ako ng Covid dahil mayroon na akong antibodies o parang nakahandang sundalo na lalaban sakaling tamaan ako ng tunay na virus.
Pare-pareho lang tayong mahahawa at nakakahawa bakunado man o hindi. Kaya’t ipinagtataka ko kung bakit pinipilit ang mga taong magpabakuna para makapagtrabaho, makasakay ng pampublikong transportasyon, makapamasyal, makakain sa restaurant o makapag-mall?

Sa tingin ko, ang dapat na istriktong ipinatutupad ay ang mga health protocols na ipinatutupad na simula pa nang ideklara ang pandemya dahil sa Covid – ang pagsusuot ng mask, proteksyon sa mata tulad ng googles o salamin o maaari ring face shield, ang madalas na paghuhugas ng kamay, ang pag-aalcohol o anumang sanitizer, ang agarang pagpapalit ng damit at pagligo pagdating ng bahay, at maingat na pagtapon ng ginamit na mask at pagsisilid sa plastic ng ginamit na damit para maiwasang mahawahan o makahawa ng Covid-19.

Si Atty. Persida Acosta, hepe ng Public Attorney’s Office, ay hindi bakunado. Hindi siya anti-vaxxer pero ayon sa kanya, may mga health issues siya kaya’t ayaw pa niyang magpabakuna. Kung pipigilin siyang bumiyahe, sumakay ng pampublikong transportasyon o anumang pagkilos dahil lamang hindi siya bakunado, ilalaban niya ang kanyang paninindigan sa pamamagitan ng batas.

Naniniwala siyang isang diskriminasyon at paglabag sa konstitusyon ang pagpigil sa mga hindi bakunado na makalabas ng kanilang tahanan at makapagtrabaho.

Batay kasi sa Article III, Section 6 ng 1987 Philippine Constitution, hindi dapat hadlangan ang sinuman na makapagbiyahe o gumalaw, maliban lamang kung delikado ang taong ito sa seguridad ng bansa, sa kaligtasan ng publiko, sa kalusugan ng mamamayan, na naaayon sa batas.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ang isang bakunado at hindi bakunado ay kapwa delikado sa kalusugan ng mga mamamayan ng bansa kung ito ay lalabas kahit aktibo pa ang virus ng Covid-19 sa katawan, kung may mga simtomas, at kung hindi sumusunod sa health protocols tulad ng pagsusuot ng mask, at iba pa.

Sa ilalim din ng Republic Act 11525 o ang Covid-19 Vaccination Program of 2021, sinasabing ang vaccine cards o certificate at hindi dapat ginagawang requirement para sa pag-aaral, sa pagta-trabaho at anumang transaksyon.

Ayon kay Atty. Acosta, hindi sapilitan ang pagbabakuna, dahil batay sa Department of Health, may karapatan ang mga taong tumanggi sa bakuna o anumang gamot dahil ang iyong katawan ay pag-aari mo at hindi pag-aari ng gobyerno.
Panghihikayat o gentle persuasion at paglalabas ng maliwanag na impormasyon ang susi para tanggapin ng mga mamamayan ang bakuna.

Gayundin, kailangang mas madaling makuha ng mga tao ang bakuna. Iwasan din na papilahin sila ng pagkahaba-haba na magiging dahilan ng overcrowding at lalong pagkakahawahan ng Covid-19.

Magpatupad ng schedule ng mga indibidwal sa pagbabakuna tulad ng ginagawa sa passport application para maiwasan ang sobrang dami ng taong naghihintay para sa kanilang bakuna.

At kung hindi pa rin sila makumbinsi, ipagpatuloy na lamang ang mas masinsing pagprotekta sa sarili sa pamamagitan ng pagpapalakas ng resistensya – tamang pagkain, pagtulog, pag-iwas sa bisyo at stress, at pag-eehersisyo – at patuloy na pagsunod sa health protocols at paglilinis sa sarili at kapaligiran. Dahil bakunado ka man o hindi, maaari ka pa ring tamaan ng Covid at maikalat ito sa iba.

Leave A Reply

Your email address will not be published.