Abante Tonite Interactive

Bala para sa amo, sinalo ng mekaniko

0 207

Patay ang 21-anyos na mekaniko makaraang pagbabarilin ng dalawang hindi pa nakikilalang kalalakihan na sakay ng isang motorsiklo ang minamaneho nitong Montero na pag-aari ng kaniyang amo sa Quezon City nitong Martes ng umaga.

Sa report na natanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Police Colonel Ronnie Montejo, kinilala ang biktima na si John Carl Tulabot Basa, 21, may live in partner, mechanic, tubong Marilao Bulacan at naninirahan sa Bignay, Valenzuela City.

Ayon sa imbestigasyon ng La Loma Police Station, alas-8:30 ng umaga (October 8) nang maganap ang pamamaril sa biktima sa Sgt Rivera Avenue, kanto ng Ragang Street, Brgy Manresa, ng nasabing siyudad.

Batay sa nakasaksing si Julius Labastida Kho, 21, bigla na lamang umanong sumulpot at hinarang ng riding in tandem ang minamanehong kulay pulang Montero Sport (NNO 252) ng biktima at pinaulanan ng bala ng baril ang SUV.

Nang makitang duguan nang nakabulagta ang target ay agad na tumakas ang mga suspek na naka-face mask at half face helmet sakay na getaway motorcycle na di-naplakahan.

Naisugod pa sa Chinese General Hospital ang biktima subalit makalipas lamang ang ilang oras ay binawian din ito ng buhay sanhi ng maraming tama ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril sa katawan, ayon kay Dr. Vic Maceda.

Nabatid na ang minamanehong Montero ni Basa ay pag-aari ng kaniyang amo na si Christopher Noriega, 42, may live-in partner, at head ng Service at Goodyear Autocare, kung saan nagtatrabaho ang biktima.

Hinala ng pulisya na posibleng target ng mga suspek ang amo ng biktima, gayunman ay patuloy pa rin ang isinasagawa nilang imbestigasyon upang malaman ang tunay na motibo sa naganap na pananambang. (Dolly B. Cabreza)