Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Balik eskuwela `di perpekto pero kakayanin – Malacañang

0 167

Kumpiyansa ang Malacañang sa kahandaan ng Department of Education (DepEd) hinggil sa balik eskuwela sa mga pampublikong paaralan ngayong Lunes, Oktubre 5, sa gitna ng kinakaharap na pandemya.

Sa pahayag ni Presidential Spokesperson Harry Roque, mismong DepEd aniya ang nagbigay ng katiyakan sa mga magulang at mag-aaral na nakahanda sila sa pagbubukas ng klase na isasagawa sa pamamagitan ng blended learning.

“The system may not be perfect and there may be issues as we shift to flexible learning, which includes modular learning and supplemented by broadcast and online classes; but we are confident that DepEd would address these challenges,” ayon kay Roque.

Kaugnay nito, hiniling ni Roque sa Kongreso na bilisan ang pag-apruba sa budget ng DepEd dahil nakapaloob umano rito ang suporta para sa bagong sistema ng pag-aaral ngayong may pandemya.

Samantala, inihayag ni DepEd Undersecretary Diosdado San Antonio na handa na sila para sa balik eskuwela ngayong Lunes sa mga public school at may mga contingency plan na rin aniya sakaling magkaroon ng mga aberya.

Sinabi ni San Antonio sa panayam sa telebisyon, mismong mga regional director nila ang nag-ulat hinggil sa kahandaan para sa pasukan gayundin ang paghahanda para matugunan ang mga bagong hamon na kakaharapin ng mga guro.

Nabatid na hanggang noong Miyerkoles ay nakapagtala ang DepEd ng 24.6 milyong nagpa-enroll sa mga public at private school ngayong taon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.