Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Balik-Eskuwela

0 310

Kumusta ang tinatakbo ng edukasyon, laluna sa batayang antas ng kinder, elementarya, hanggang hayskul, ngayong panahon ng pandemya? Gaano kaepektibo ang mga di-pangkaraniwang pamamaraan na kinailangang ipatupad ng Department of Education upang maipagpatuloy ang pag-aaral ng mahigit 22 milyong kabataang Pilipino?

Hindi mabuti – kung pagbabatayan ang mga binabahaging karanasan ng ilang mga estudyante, magulang, at guro, at maging ang ilang mga panimulang pagsisikap na alamin ang kalagayan at bisa ng mga bagong moda ng edukasyon matapos ang naantalang pagbubukas ng kasalukuyang school year noong Oktubre 2020.

Nitong Nobyembre-Disyembre, nagsagawa ang Movement for Safe, Equitable, Quality, and Relevant Education ng pambansang online survey na nilahukan ng 1,395 guro, 1,207 magulang, at 620 estudyante ng Grade 4 at 12. Kabilang sa mga resulta: 53% ng mga estudyante ang walang kumpiyansa na matututunan nila ang mga itinakdang kasanayan na itinakda ng Deped sa pamamagitan ng distance learning; 43% lamang ng mga magulang ang naniniwalang nauunawaan ng kanilang anak ang mga aralin; samantalang 54% ng mga guro ang nag-ulat ng papaliit na bilang ng mga estudyanteng lumalahok sa distance education.

SM food to go Banner Ad

May pangamba na dahil sa mga limitasyon ng pag-aaral sa pamamagitan ng module at klaseng online, lalong lalala ang “krisis sa pagkatuto.” Lalong dadami ang mga estudyanteng hindi marunong magbasa, magsulat, at magkuwenta, at hindi gamay ang mga kaalaman at kasanayan na nakatakda para sa kanilang grade level.

Pinatatampok ng ilang buwang karanasan ng distance learning sa buong kapuluan ang kahalagahan ng pagbabalik ng aktwal na paghaharap ng guro at estudyante bilang pinakaepektibong paraan ng pagtuturo para sa mga kabataang Piilipino. Hindi maaaring panghawakan ng gubyerno ang deklarasyon ni Pang. Duterte sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo na “no vaccine, no face-to-face learning,” lalo na ngayon na inamin ni Pang. Duterte ang kagipitan sa pandaigdigang supply ng mga bakuna na tiyak na magdudulot ng pagkaantala sa mass roll-out ng pagbabakuna para sa hanay ng mga guro, kawani, at estudyante.

Nakatakdang magsimula ang bagong school year sa darating na Hunyo. Magiging malalim at pangmatagalan ang pinsala sa ekonomiya at lipunan kung ipagpapatuloy ang edukasyon ng 22 milyong kabataang Pilipino sa kasalukuyang moda ng modular at online learning. Ngayon pa lamang, dapat gawing prayoridad ng Deped at ng buong administrasyong Duterte ang pagtiyak na makabalik na sa mga klasrum ang mga estudyante at guro sa kalagitnaan ng pandemya, habang pinangangalagaan ang kanilang kaligtasan at kalusugan – may bakuna man o wala.

Leave A Reply

Your email address will not be published.