Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Balik-Eskwela 2021

0 82

Wala nang dalawang linggo, balik-eskwela na ang maraming estudyante sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa. Sa September 13 na ang simula ng Academic Year 2021 – 2022.

Gaya noong isang taon, wala pa ring face to face interaction sa pagitan ng mga guro at mga mag-aaral ngayong academic year. Dahil sa lumolobong kaso pa rin ng Covid-19, nananatiling bawal ang mass gatherings.

Worry no more dahil modular pa rin ang mode of learning, ayon sa Department of Education. Sa mga batang walang kapasidad na gumamit ng electronic gadgets at wala ring matinong internet connection, modules ang kukunin ng mga magulang sa eskuwelahan para magsilbing learning materials ng mga bata.

Ang hiling lang ng DepEd, kooperasyon pa rin ng mga magulang sa modular learning modality. Kailangang gabayan ang mga bata sa kanilang pag-aaral dahil hindi ito kakayanin ng mga guro lalo pa’t walang face-to-face interaction.

Ayon kay Education Secretary Leonor Briones, “We must act together and learn from the past. We should innovate from the one year of dealing with the impact of pandemic. We cannot continue doing things the way we did.”

Gaya ng slogan ng Brigada Eskwela ngayong taon, “Bayanihan para sa Paaralan”, sinabi rin ni Briones na importante sa mga guro na maging handa at huwag matakot. Kapit-bisig dapat ang lahat ng sangay, pampubliko o pribado man para sa tagumpay ng panibagong school year.

Dito sa bayan ng Tanza, lalawigan ng Cavite, tuluy-tuloy ang pamamahagi ng SK Federation ng may apatnapu’t isang barangay ng new normal kits para sa mga batang mag-aaral. Laman ng kits ang flash drive, papel, lapis at mga ballpen. Sinamahan pa nila ng sanitation kit na may lamang bote ng alcohol at face masks.

Pero hindi lang mga estudyante ang nangangailangan ng ayuda, pati mga guro nananawagan din ng tulong. Importanteng maabutan sila ng additional materials na magagamit nila sa pag-imprenta ng learning modules. Namahagi na noong isang taon ang LGU Tanza ng mga printing machine sa mga public school sa bayan.

Dahil exposed din ang mga guro sa modules distribution, prayoridad din silang maturukan ng Covid-19 vaccine. Kaya naman tuluy-tuloy ang vaccination sa kanila.

Dito pa rin sa Tanza, 75% na ng may 1,800 public school teachers ang nabakunahan. Katumbas ito ng 1,350 na mga guro. Hindi pa kasama sa bilang na ‘yan ang mga private school teacher na nabakunahan na rin.

Kaya abut-abot ang pasasalamat ng mga guro sa lokal na pamahalaan dahil kasama sila sa priority list ng mga nabakunahan ng Covid-19 vaccine.

Leave A Reply

Your email address will not be published.