Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Balik Physical Classes?

0 139

Hindi biro ang learning modalities ngayong academic year kung kailan patuloy ang paglaban ng buong mundo sa COVID-19 pandemic. Ramdam ko ito lalo pa’t nagtuturo ako sa tatlong kolehiyo sa Pilipinas.

Mula sa paghahanda ng lectures, assessments at activities hanggang sa pagtuturo mo nito sa mga bata online, talaga namang very challenging. Hamon din ‘yan sa mga estudyante lalo na kung walang stable internet connection.

Ang tanong ngayon – sang-ayon ka bang ibalik na ang physical o face-to-face classes sa susunod na taon?

Itinakda ng Department of Education sa Enero ang dryrun sa mahigit isang libong eskuwelahan sa buong bansa na sasailalim sa pilot testing ng physical classes. Base raw ang bilang na ‘yan sa rekomendasyon ng mga regional director ng DepEd.

Ayon kay DepEd Secretary Leonor Briones, posibleng mabawasan pa ang bilang na ‘yan base sa magiging assessment at evaluation ng kagawaran sa 1,114 public schools sa buong bansa. Kailangan kasing pasado muna sila sa umiiral na health protocols. Dapat ding sang-ayon ang lokal na pamahalaan at mga magulang na muling ibalik ang face-to-face classes.

Kakabakaba ang ilan sa mga magulang at gurong nakapanayam ko. Bagaman may bakuna na laban sa COVID-19 sa ibang bansa gaya ng United Kingdom, wala pa ring eksaktong petsa kung kailan ito magiging available sa atin. Ang tantiya ng gobyerno, posibleng una o ikalawang bahagi pa ng 2021 masimulan ang vaccination program ng pamahalaan.

Dahil d’yan, marami ang nag-aalangan sa muling pagbabalik ng face-to-face classes kahit pa sabihing limitado lang ang bilang ng puwedeng papasukin sa isang silid-aralan. Nauna nang sinabi ng DepEd na 50% lang ng room capacity ang pahihintulutan. Kung 50 ang seating capacity, 25 students lang ang puwedeng pumasok. Ibig sabihin, magpapatupad ng class shifting para ma-accommodate ang lahat ng bata.

Ang ilan sa mga bata naman, excited na muling bumalik sa physical classroom setup. Iba raw kasi ang pakiramdam kapag sa face-to-face ang kanilang interaction sa mga guro. Mas natututo raw sila sa mga aralin.

Ang sa akin lang, huwag sanang magpadalus-dalos ang pamahalaan sa mga gaya nitong hakbang. Mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ang nagbigay ng go-signal na ituloy ang pilot testing ng muling pagbabalik ng physical classes. Hindi rin naman niya ‘yan aaprubahan kung walang matibay na ebidensiyang puwede na tayong bumalik unti-unti sa nakasanayan. Basta doble ingat lang, dahil ang buhay kapag nawala – hindi na kailanman mapapalitan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.