Abante Tonite Interactive

Balik-Pinas na mga OFW galing Kuwait happy lahat!

By
2,634

Naghiyawan ang may 396 na overseas Filipino workers (OFW) sabay ang sigaw sa pangalan ni Pangulong Rodrigo ‘Digong’ Duterte habang papalabas sa Cebu Pacific (CebuPac) mercy flight na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3, kahapon.

Ayon kay Charo Lo­garta, tagapagsalita ng CebuPac ang Flight 5J 021, isang special flight ng CebuPac mula sa Kuwait ang sumundo sa 430 na mga OFW.
Subalit 396 lamang ang nakasakay sa nasabing flight mula sa orihinal na plano na 430 na mga pasahero.

Napag-alamang uma­bot sa apat na oras ang boarding time ng naturang flight matapos habulin at pababain sa eroplano ng Kuwaiti authorities ang ilan sa mga kababayan na pi­lit hinahabol at hina-harass pa rin ng kanilang mga employer para hadlangan ang pag-uwi sa Pilipinas.

Sinabi ni Captain Mark Semon, pilot in-command ng CebuPac flight, malaking bagay sa kanila ang makatulong sa pamahalaan.

Sinabi naman ni Carmencita Pimentel, lead cabin crew ng CebuPac na emosyunal ang karamihan sa mga pa­sahero dahil sa nais na talaga nilang makabalik ng bansa.

Kahapon, umabot sa 576 na mga OFW ang umuwi sa ilalim ng repatriation program ng pamahalaan, kasama na ang 180 na iba pa na inilipad naman ng Philippine Airlines (PAL) flight PR 669 na lumapag sa NAIA bandang alas-8:30 ng umaga.

Ayon kay Atty. Dodo Dulay, deputy admi­nistrator for operation ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), tatanggap ang mga OFW ng cash incentives na aabot sa P10,000 at P5,000 mula sa OWWA at P5,000 mula naman sa Department of Foreign Affairs (DFA).