Abante Tonite Interactive

Balik-PNP ang drug war at balik-patayan na naman

By
14

Dapat ay magbunyi na ang mga may-ari at tauhan ng mga punerarya sa bansa dahil inaasahan na naman ang sunod-sunod na patayan.

Ito ay matapos na magdesisyon si Pangulong Rodrigo Duterte na ibalik na sa Philippine National Police (PNP) ang pangangasiwa sa kampanya laban sa illegal drugs sa buong bansa.

Mahigit isang buwan din na ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang nangasiwa sa kampanya sa illegal drugs ng Duterte administration kaya naman naging madalang ang naganap na patayan.

Pero sa pagbabalik muli ng drug war sa PNP ay magpipiyesta na naman ang mga punerarya dahil inaasahan na araw-araw at mga pambungad na balita sa umaga sa mga radyo, telebisyon at diyaryo ay muling mamamayagpag ang balitang patayan.

Sana naman ay magbago na ng diskarte ang PNP at hindi barubal sa kanilang mga drug ope­rations.

At higit sa lahat ay mga bigtime o malalaking tao na sangkot sa illegal drugs ang mapatay o mahuli nang buhay ng PNP.

Dapat ay maglabas din ng imbentaryo ang PNP kung ilang kakalawa­nging baril na ang nakumpiska nito at ipresenta naman sa publiko sa pamamagitan ng media.

Batay sa mga napatay na umano’y drug suspect at nanlaban daw sa mga pulis ay nakumpiskahan ang mga ito ng baril na kakalawangin at paltik na marahil ay tambak ito sa mga police station at sa Camp Crame.

Kung hindi magbabago ang estilo ng mga pulis na konting kibot ay patay agad ang drug suspect ay maaaring ito na ang ikabagsak ng popularidad ng Pangulo.

Ang masaklap nito ay kahit hindi naman drug suspect at napagkamalan lamang ay hindi na naiimbestigahan at napaparusahan ang mga pulis ­kaya nagtutuloy-tuloy ang pag-abuso ng ilan.

Dapat ay singilin ng taumbayan at papanagutin si PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ dela Rosa sa mga kapalpa­kan ng kanyang mga pulis.

Kung marunong na hepe ng PNP si Bato ay siya mismo ang magbabantay sa mga abusadong pulis at hindi niya pahihintulutan na masira ang imahe ng buong ahensya.