Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Balik sa uso?

0 99

Ayon sa mga pinakahuling survey, mananalo si Bongbong Marcos Jr. bilang pangulo kung gaganapin ang halalan ngayon. Mahigit 50% ang pipili sa kanya, samantalang malayong pangalawa si Vice-President Leni Robredo, na may kaunting lamang sa iba pang mga presidentiable, kabilang sina Manila Mayor Isko Moreno at Sen. Manny Pacquiao. Sa unang pagkakataon mula nang isagawa ang mga pambansang halalan sa ilalim ng konstitusyong 1987, maaaring makakuha ng suporta ng mayorya ng botante ang isang kandidatong pangulo, kung magpapatuloy ang kasalukuyang tunguhin ng mga survey. Ang sabi ni Imee Marcos: “We’re back in style.”

Kung magpapatuloy. Hindi pa pormal na nagsisimula ang panahon ng kampanya at marami pang pwedeng mangyari sa susunod na apat na buwan. Malinaw ang hamon sa mga pwersa ng demokrasya sa ating lipunan: kailangang magsanib ng lakas at magpakahusay upang mahadlangan ang ganap na panunumbalik ng mga Marcos sa tugatog ng kapangyarihan.

Bakit tayo napadpad sa ganitong kalagayan? Numero unong kandidato bilang presidente sa halalan sa Mayo ang anak ng diktador na naghari nang 14 na taon, nandambong nang mahigit US$ 9 bilyon, at pumatay, nagpakulong, at nangtortyur ng libo-libong Pilipino para makapanatili sa poder?

Kagyat na paliwanag ang planado at determinadong pagbuhos ng kampo ni Marcos ang malaking pondo upang makalikha ng paborableng opinyong publiko. Sa pamamagitan ng mga bayarang influencer at libo-libong troll sa social media (pangunahin sa Facebook, Youtube, at Tiktok), epektibong napalaganap ng mga Marcos ang mga huwad na naratibo at alamat na pinaniniwalaan ng malaking bilang ng populasyon. Kabilang dito ang pagtingin na “ginintuang panahon” ng pag-unlad ang mga taon sa ilalim ng Martial Law; na hindi napatunayan sa korte ang paglabag sa karapatang pantao at pandarambong ng mga Marcos; at ang kabulastugan ng “Tallano gold” na pinagmulan umano ng kayamanan ng mga Marcos na kanilang ipamamahagi sa mga Pilipino kung manalo si Marcos Jr. bilang pangulo.

Ngunit nais kong banggitin ang dalawang salik na lumikha ng matabang lupa para muling makapag-ugat at yumabong ang masamang damo ng mga Marcos na pinatalsik sa poder ng sambayanan noong 1986. Una, ang kabiguan ng demokratikong kaayusan na binunga ng pag-aalsa sa EDSA na bigyang-lunas ang malaganap na kahirapan at kawalan ng pag-unlad para sa nakararaming Pilipino. Sa halip, pinalaki ng mahigit tatlong dekada ng “free market economics” na pinatupad ng bawat administrayon ang agwat sa pagitan ng iilang mayaman at nakararaming naghihirap. Para sa kanila, ang mga elitista lamang ang nakinabang sa “demokrasya” at kaakit-akit ang pangakong pununumbalik sa ginintuang nakaraan sa ilalim ng mga Marcos.

Pangalawa, ang kabiguan ng mga naghaharing uri, mula sa paksyon nito, sa pangunguna ni Cory Aquino, na pangunahing nakinabang sa pagpapatalsik sa mga Marcos, hanggang sa mga sumunod na naluklok sa poder, na ganap na hatulan at panagutin ang mga Marcos at lahat ng kanilang mga kasapakat na namayagpag noong panahon ng Martial Law. Ito ang isang tampok na katangian ng naghaharing uri sa Pilipinas. Kung babalikan ang kasaysayan, sa halip na panagutin ang mga kauri nila na nagtaksil at nagpahirap sa bayan, maging ang mga kolaboreytor sa Hapon noong Ikalawang Digmaan Pandaigdig man o ang diktador at kanyang mga kasapakat, nauuwi sa kompromiso at akomodasyon.

Leave A Reply

Your email address will not be published.