Abante Tonite Interactive

BaliPure nilagok ni Tiamzon, BanKo

179

‘Di pumayag si Nicole Tiamzon na muling manakawan ng panalo tapos buhatin ang BanKo sa 22 points para ipangmumog ang BaliPure Purest, 25-16, 25-12, 16-25, 25-20, sa 3rd PVL Open Conference 2019 elims sa The Arena San Juan.

Kinayod ni Tiamzon ang 21 attacks para sa mabangis na balikwas niya at Perlas Spikers mula sa pagtaob nitong Miyerkoles kontra Motolite, habang may 12 points at 12 excellent digs na agapay sa kanya si Angelino ‘Dzi’ Gervacio.

Sampa ang Perlas Spikers sa 4th spot sa 6-3 win-loss na karta, samantalang nilublob ang biktima sa 0-9.

Walang nagawa ang 14 points ni Grazielle Bombita para sa tig-13 points nina Satrriani Espiritu, Menchie Tubiera, at Shirley Salamagos para sa Water Defenders.

Toka ang BanKo kontra sa PH AirForce sa susunod na Linggo habang ang BaliPure sa defending champion Creamline. (Aivan Denzel Episcope)