Abante Tonite Interactive

Balisa’t puyat sa lockdown

939

Paikut-ikot ka ba sa kama pero hindi pa rin makatulog? Lagi ka bang balisa at puyat? Hindi ka nag-iisa. Kahit ako, hirap ding dapuan ng antok mula nang ipatupad ang Enhanced Community Quarantine sa buong Luzon at ilang probinsiya bunsod ng bantang pagkalat ng COVID-19.

‘Understandable’ daw ito, ayon sa ilang psychologists. Hindi man natin aminin pero marami sa atin ang nag-aalala para sa sarili at sa pamilya higit lalo ‘yung mga magkakalayo ng bansa. Isama pa riyan ang takot na baka mawalan ng trabaho dahil sa epekto ng lockdown sa ekonomiya.

Sa survey na isinagawa ng American Psychiatric Association, mahigit one-third ng mga Amerikano ang nagsabing may seryosong epekto sa psychological health ng isang tao ang isyu ng corona virus. Katunayan, bumuhos ang text at tawag sa mental health hotlines sa U-S kaugnay nito.

Dito sa atin, sinabi rin ng Psychological Association of the Philippines na normal na reaksyon ng mga Pinoy ang takot at pagkabalisa sa kasalukuyang sitwasyon.

Sino nga ba ang hindi mag-aalala sa kalagayan ng mga mahal sa buhay, at ang pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan?

Hangga’t maaari, bawas-bawasan muna natin ang pag-aalala.

Ayon sa ilang eksperto, magtakda ng consistent bedtime para maiwasan ang pagpupuyat. Iwasan din ang caffeine at alcohol intake. Nakatutulong din daw ang regular exercise at pagpapaaraw sa umaga para mabilis na dapuan ng antok sa gabi.

Kung may extra budget, panatilihin ang ‘cool temperature’ ng kuwarto. Ibig sabihin, bukas ang air conditioning unit. Puwede rin daw i-off ang ilaw. Mas mabilis kasing makatulog ang tao kapag madilim ang paligid.

I-limit din daw ang paggamit ng gadgets gaya ng cellphone. Dahil umiiral pa rin ang lockdown, ‘all eyes’ tayo sa social media. Sa totoo lang, dagdag-stress ang mga balita o scoop na napapanuod natin. Kaya payo ng ilang psychologists, bawasan ang exposure sa social networking sites gaya ng Facebook, IG at Twitter.

Para mas ma-relax, puwede rin daw mag exercise ng proper breathing – your exhale is twice as long as your inhale. Maaari rin naman daw alalahanin ang mga memorable place na iyong napuntahan kasama ang mga mahal sa buhay para mas gumaan ang pakiramdam.

Regular ding makipag-usap at kumustahin ang pamilya upang magkaroon ng emotional support sa isa’t isa.

At s’yempre, stay healthy! Bukod sa pagkain ng masusustansiyang pagkain, pag-eexercise, at sapat na pahinga, mahalaga ring gumawa ng daily routine para magamit nang maayos ang oras sa araw-araw.

Sa paggawa ng mga bagay na ito, siguradong maiiwasan ang anxiety ngayong ECQ. (with inputs from John Rey Ibañez)

Tonite – Wendys Inhouse Ad