Abante Tonite Interactive

Balut vendor tinadtad ng bala

267

Nagsasagawa ngayon ng masusing imbestigasyon ang Taguig City Police sa ginawang pagpatay sa isang balut vendor na tinadtad ng bala sa ulo at katawan nito ng hindi pa nakikilalang salarin, Miyerkoles ng gabi.

Sanhi ng mga tinamong bala ng kalibre .45 baril, namatay noon din ang biktimang si Leolito De Leon, 23, taga-Blk 65, Lot 8 Modomo St. Purok 5A, Brgy. Upper Bicutan ng nasabing lungsod. Mabilis namang tumakas ang hindi pa kilalang salarin.

Sa report ni Police Col. Alexander Santos, hepe ng Taguig City Police, alas-10:45 ng gabi nang maganap ang insidente. Pauwi na ang biktima matapos maubos ang ibinebentang balut sa Punzalan St. Brgy. New Lower Bicutan nang mangyari ang pamamaslang.

Sakay na ng kanyang bisikleta pauwi si De Leon at tinatahak na ang kahabaan ng Punzalan St. nang bigla siyang harangin ng salarin na armado ng baril at kaagad na pinaputukan ng sunod-sunod bago mabilis na tumakas.

Sa pagsisiyasat ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District (SPD) narekober sa tabi ng bangkay ng biktima ang anim na basyo ng bala at apat na tingga ng kalibre .45 baril at ito’y isusumite sa crime laboratory para sa ballistic examination.

Sa ngayon ay nagsasagawa pa ng follow-up operation ang pulisya para makilala at madakip ang salarin habang inaalam pa ng mga imbestigador ang motibo sa pagpaslang. (Armida Rico)