Abante Tonite Interactive

Balwarte ni FPJ solid kay Grace Poe

320

Kampante at ‘at home’ ang pakiramdam ni Senador Grace Poe kapag umuuwi ng Pangasinan, ang hometown ng namayapa niyang amang si Fernando Poe Jr. o FPJ.

Kaya naman sa dara­ting na May 13 midterm elections, umaasa si Poe na maging solido ang suporta ng mga Pangasinense sa kanyang kandidatura.

Ang nasabing lalawigan ay binisita ni Poe nitong Martes, Pebrero 19, bago tumulak ng ­Ilocos Sur.

“Ito ay probinsya ng aking ama at itong mga kababayan niya ay tinanggap din ako nang buong-buo at hindi po nagbago ang kanilang tiwala at ako’y nagpapasalamat,” wika ng senadora sa isang ambush interview.

Unang tinungo ni Poe ang Pangasinan State University-San Carlos campus, kung saan sinalubong siya ni City Ma­yor Joseres Resuello, vice gubernatorial candidate Mark Ronald Lambino, board member Darwina Sampang, Councilor Sammy Millora at iba pang lokal na opisyal.

Nakakuha ng mala­king boto si Poe sa Pa­ngasinan noong 2013 senatorial elections at 2016 presidential bid. Ang lalawigan ay may 1.8 milyong botante.

Noong 2004 presidential elections, humakot din ng malaking boto ang ama niyang si FPJ sa Pangasinan.

“Aside from the warmth that they extend, we also have friends and relatives here. Kaya ‘pag pumupunta ako dito, hindi ako bumibisita, umuuwi ako. Siguro ako lang ang isa sa iilan sa tumatakbong senador na may ugat dito sa Pangasinan,” dagdag ni Poe.