Abante Tonite Interactive

Bam binigyan ng ultimatum ng LP

1,698

Kung hindi aangat sa survey si Senador Paolo Benigno ‘Bam’ Aquino IV, maaaring hindi na siya patakbuhin ng Liberal Party (LP) sa 2019 senatorial elections.

Ito ang ibinigay na ultimatum ng liderato ng LP kay Aquino matapos ang nakadidismayang posisyon nito sa survey kung saan wala ito sa tinatawag na ‘Magic 12’.

Ayon sa mapagkatitiwalaang source, pinakilos umano ang mga opisyal ng LP na iparating ang mensahe kay Aquino hinggil sa binigay na ultimatum sa kanya.

Nag-atubili naman si Quezon City Rep. Jorge ‘Bolet’ Banal na kausapin si Aquino kaya’t ang posibleng humarap na lamang dito ay si LP chairman, Vice-President Leni Robredo.

Napag-alaman pa na maging si Paul Aquino ay ‘sumasakit na ang ulo’ kung paano mapapaangat sa survey ang kanyang anak. Ito ay sa kabila ng pagiging campaign manager ni Paul sa mga nanalong politiko ng nagdaang halalan.

Kung hindi pa rin umano aangat sa survey si Bam, maaaring patakbuhin na lamang si television host at aktres na si Kris Aquino o ang nakatatandang kapatid nitong si dating Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III.

Nitong Miyerkoles ay ipinahiwatig naman ni Senate President Aquilino ‘Koko’ Pimentel III na maaaring kunin ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan (PDP-Laban) si Bam para mapasama sa kanilang senatorial slate sa May 2019 elections.

“Kung pwede why not theoretically tandaan nyo this is PDP-Laban, tignan mo roots ng Laban, tignan mo ang apelyido ng Laban,” sagot ni Pimentel nang tanungin kung maaaring ikunsidera sa talaan si Aquino.

Inihayag kasi ni Pimentel na handa rin ang partido na kunin ang lahat ng reelectionist sa Senado para sa kanilang line up.