Abante Tonite Interactive

Band aid solution

By
1,533

Magbebenta ng limitado pero murang bigas para sa masa ang Department of Agriculture sa darating Pebrero 14, araw ng mga puso.

Ito ang inanunsiyo ni DA Secretary Manny Pinol para daw matugunan ang pangangailangan sa bigas ng mga mahihirap na mga pilipino.

Yan ay matapos na magdeklara ang National Food Authority na hindi na sila magbebenta sa mga pamilihan ng nfa rice dahil pang dalawang araw na lamang ang kanilang buffer stock.

Sinabi ni NFA administrator Jason Aquino, ang natitirang stock ay reserba para sa mga kalamidad. Hindi pa raw inaaprubahan ng NFA Council ang janilang kahilingan na makapag- angkat ng karagdagang supply bigas.

Sabi naman ni nfa council chairman leoncio evasco, walang pangangailangan na mag angkat ng bigas sa ngayon. Anak ng kamote! Ang gulo niyo!

Dahil sa hindi kayo magkaisa ng pahayag at posisyon, napaiikutan na ng rice cartel ang mga mamimili.

Kung dati rati, meron kang mabibiling 27 hanggang 32 pesos na nfa rice, ang pinakamurang mabibili mo ay 41 pesos.

Siyam na piso ang diperensiya kada kilo sa nabibiling bigas ng mga mahihirap nuong nakaraang taon kumpara ngayong taong ito.

Alam niyo ba kung gaano kahalaga ang siyam na piso para sa isang mahirap na pamilyang Filipino?

Yan ay kabawasan sa pambili ng isang paketeng noodles na ulam ng kanyang pamilya.

At ano ang solusyon ng DA sa problema? Magbenta ng P38 na bigas kada kilo na kanilang ibebenta sa kanilang QC Circle office.

Ang limited daw ay kalahating kaban kada buyer na ibebenta sa halagang P950. Eh paano kung dalawang kilo lang ang bibilhin dahil yun lang ang kaya ng budget? Bebentahan niyo pa rin?

Hanggang 4000 sacks lang daw ang ibebenta nila kasi yjn lang ang stock nila. Patuloy naman daw nila isasagawa ang programang ito. Band aid na solusyon. Panandalian. Ang kailangan natin ay pangmatagalang solusyon sa problema ng price manipulation at rice cartel.

Panahon na ng pagtatakda ng price ceiling sa bigas. Ang bigas ay isang produkto na masyadong sensitibo sa mga pilipino. Tanggalan mo na sila ng lahat ng bagay wag lang bigas at tubig.

Habang nagaaway away pa ang mga opisyales ng administrasyon sa isyu ng bigas, kumakalam na ang sikmura ng mga pilipino. Ang presyo ng bigas ay lubhang napakataas na pinalala pa ng ipinapatupad na train law.

Marapat na aksiyunan na ito ora mismo ng pangulong rodrigo duterte kung ayaw niyang malaos ang kanyang kasikatan ng wala sa oras.