Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bandilang puti

0 542

401 ang bilang ng mga namatay dahil sa Covid19 nitong Abril 9.

Marami na naman ang nawalan ng mga magulang, kaibigan at kakilala.
Dumarami ang bilang ng mga naulila.

Sa bawat araw, napupuno na ang mga hospital. Pati mga itinayong tent ay halos mapuno. Humahaba na rin ang pila ng mga pasyente nais magpagamot.

At nakakabahala, tumataas din ang bilang ng mga health workers na nahahawaan ng virus.

Hindi lang hospital ang puno. Pati mga punerarya at sementeryo ay puno na rin.

At sa kasalukuyang situwasyon, tila hindi mo na nararamdaman ang gobyerno. Wala ka nang marinig na mga bagong hakbang o paraan paano labanan ang Covid19.

Araw-araw, taga-bilang na lang ang gobyerno ng bagong nahawaan, bilang ng namatay, bilang ng mga gumaling.

Ang iba naman sa gobyerno ay abala sa pagdedebate sa bakuna o
alternatibong gamot kontra Covid19. Sa sobrang desperado, pati gamot sa bulati at iba pang hayop ay gustong na rin gamitin sa tao kahit kulang pa sa pag-aaral o dahil nagkukulang na ang gobyerno?

Sa halip na ‘to Heal Us One’ ang nakikita natin ay eksperto laban sa mga eksperto. Doktor laban sa mga Doktor. Doktor kontra gustong maging doktor.

Pero ang pinaka-problema at nakakatakot ay ang opinyon ng mga nagpapanggap na matalino at tagapagligtas ng bayang ito. Pinipilit isaksak sa kamalayan ng mamamayang nangangamba ang kanilang personal na interes.

Lalo na ngayon na hinahanap ng marami kung nasaan ang pangulo? Hindi tuloy mawala sa isipan na ang kabiguan niya na makita sa publiko ay tila pagsuko na o kabiguan na makahanap ng agarang solusyon sa pandemic.

Dalawang beses nang ipinagpaliban ang kanyang Talk to the Nation sa dahilang mahigit sa 100 na Presidential Security Group (PSG) ang nag-positibo sa Covid19.

Magtataka ka na anong kinalaman ng 100 mahigit na PSG sa kanyang pakikipag-usap sa tao? Nasa loob naman siya ng palasyo. Pero mas nalalaman nila ang dahilan, ang totoong dahilan.

Suko na ba? Sagad na ba? Aamin ka na na ang problema ng ‘veerus’ ay hindi isang maliit na bagay? Talo na ba?

Bilang pangulo, minsan ang pag-amin ng kahinaan sa isang bagay na hindi kayang labanan, maging ng buong mundo, ay makakatulong para sama-sama nating labanan ito.

Tutol ako na ikaw ay magbitiw sa puwesto dahil may itinakdang panahon ang Saligang Batas para sa puwesto mo. Ang nananawagan na umalis ka sa palasyo ay yung mga atat sa kapangyarihan na wala rin namang maibibigay na solusyon.

Panahon nang palitan mo ay ang mga nakapaligid sa ‘yo. Matagal ko nang sinabi na sapat na ang isang taon para matimbang mo kung nananalo ka sa laban.

Change your generals. Wala silang alam sa mikrobyo, sakit, siyensya at bakuna. Kaya nagtatagal ang negosasyon dahil di sila pamilyar sa mundo ng medisina.

Tao hindi kayabangan ang dapat unahin. Tingnan mo ang mamamayang pilipino bilang isang bansa. Huwag mo nang pakinggan ang mga alalay mo na binubulag ka lang sa paglalagay ng mga kulay ng politika na nagbabanta sa puwesto mo.

Hindi ka habambuhay diyan. Ilang buwan na lang at magpapaalam ka na. Mas magandang umalis ka na nakilalang tagapag-hilom ng sugat at hindi taga-udyok ng away.

Hangga’t may puwersang pinaghahati tayo at ang pagpuna at kritisismo ay tinitingnan na panghatak para ka bumagsak, hindi tayo magtatagumpay.

Magtiwala ka at imbitahan sila. Makinig at makinig sa kanila. Ilabas mo ang kaisipan mo sa apat na sulok ng palasyo. Imulat ang iyong mga mata sa katotohanan. Aminin ang dapat aminin at makakaasa ka na ang mamamayang pilipino ay sasandal sa iyo.

Pero kung mananatili kang walang bait sa sarili, sama-sama tayong babagsak.

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.