Abante Tonite Interactive

Bangas ng Gilas iaangas vs Japan

By
1,193

Nabangasan ang dating malinis na karta ng Gilas Pilipinas nang yumuko sa Australia 84-68 sa Margaret Court Arena sa Melbourne, Huwebes ng gabi.

Sa 2-1, nalaglag ang Filipinos sa second place ng Group B, sa likod ng Boomers (3-0) pagkatapos ng unang laro sa window 2 ng 2019 FIBA Cup Asian Qualifiers.

Top three teams ng bawat grupo ang aabante sa susunod na round ng FIBA World Cup qualifiers.

Sinorpresa ng Chinese Taipei ang Japan 70-69 sa Yokohama kamakalawa rin ng gabi. Angat sa 1-2 ang Chinese Taipei, Japan na lang ang wala pang panalo sa tatlong laro sa grupo.

Feb. 25, Linggo, sa MOA Arena ay ihu-host ng Filipinos ang Akatsuki Five para subukang bumangon. Importanteng maipanalo ito ng Gilas para manatili sa second spot.

Unang kinalos ng Gilas ang Japan 77-71 sa ope­ner ng window 1 noong Nov. 24 sa Tokyo, bago isinunod ang Chinese Taipei 90-83 makalipas ang tatlong araw.

Inamin ni coach Chot Reyes na ang panguna­hing misyon ng Gilas ngayong February ay ta­lunin muli ang Japan.

Dismayado siya sa talo sa Australia, pero mara­ming aral na natutunan na magagamit sa susunod na laro. Kinailangan daw niyang tipirin ang minuto ng players kontra Australians para ihanda laban sa Japan.

Naglalaro pa sa Melbourne ay hindi maalis sa isip ni Reyes ang Japanese.

Pagkatapos yumuko sa Boomers, biyaheng Manila agad ang Gilas, kaunting pahinga bago harapin ang Japanese.