Abante Tonite Interactive

Bangis ni Paras, panis sa Bulldogs

0 1,825

Nanumbalik ang porma ni basketball prodigy Kobe Paras nang pangunahan ang opensiba ng Gilas Cadets pero hindi sumapat nang sakmalin ng NU Bulldogs 86-81 sa FilOil Flying V Preseason Cup sa FilOil Flying V Centre-San Juan Martes ng gabi.

Nagbuslo si Paras ng 20 puntos pero hindi umubra kontra mga bagitong manlalaro ng Bulldogs na sina John Lloyd Clemente at John Galinato na kumamada ng 23 at 20.

Nakaungos pa ang Gilas sa huling canto nang mag-init ang kamay ni Paras na may 9 sa 11-0 spark ng Cadets para sa 77-72 bentahe.

Nag-iba ang ihip ng hangin nang sumagot ang NU ng 11 straight tungo sa 83-77 lead 19 seconds na lang.

Nagdagdag ng 16 puntos si Fil-Am center Abu Tratter para sa Cadets, may 13 si UP guard Juan Gomez de Liaño.

Trumabaho ang anak ni PBA legend Danny Ildefenso na si Shaun ng 13 puntos para sa NU.

Laglag sa 1-5 ang Cadets ni coach Josh Reyes, wala nang pag-asa para sa susunod na yugto ng torneo kahit na may tatlong laban pang nakahilera.