Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bangka nagliyab, 13 sakay naisalba

0 88

Nasagip ng tropa ng Marine sa ilalim ng Naval Task Group Tawi-Tawi ang 13 katao, anim sa mga ito ay menor de edad matapos masunog ang sinasakyan nilang bangka sa karagatan sakop ng bayan ng Sapa-Sapa sa Tawi-Tawi, ayon sa ulat kahapon ng Philippine Army.

Ayon kay Brig. General Romeo Racadio, Joint Task Force Tawi-Tawi commander, nasagip ang mga biktima alas-10:40 ng umaga nitong Linggo sa pagitan ng isla ng Matabuan at Banaran sa Sapa-Sapa.

Kinilala ang nasagip na sina Sukarno Maring, 72; Nelson Tayting, 50; Nenyang Tayting, 45; Sitti Selfa Maring, 37; Nurfaiza Maring, 31; Salizada Maring, 27; Ridwan Maring, 21; at anim na menor de edad, pawang residente ng bayan ng Bongao.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Ayon kay Racadio, isinagawa ang rescue operation sa mga biktima gamit ang Speedboat Fiber 10 (SBF-10), kasama ang crew ng 82nd Marine Company, mga sibilyan sa koordinasyon na rin ng local government unit (LGU) ng Sapa-Sapa.

Galing umano ng bayan ng Bongao ang mga biktima lulan ng maliit na bangkang de motor patungong Sapa-Sapa ng maganap ang insidente.

Matapos silang masagip ay agad silang inihatid sa pantalan sa Barangay Lamion sa bayan ng Bongao kung saan sila inasikaso ng medical team ng Naval Task Group Tawi-Tawi. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.