Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bangka tumaob, 8 magkakaanak nawawala

0 92

Patuloy ang paghahanap ng rescue team sa walong miyembro ng pamilya na nawawala matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka para lumikas sa kanilang bahay dahil sa baha sa Barangay Sitio Zapatillo, Barangay Zapatos, Balud, Masbate noong Huwebes ng umaga.

Kinilala ng Balud Police Station (BPS) ang mga pinaghahanap na magkakapamilya na sina Romeo Pastrana Bataican, 36, misis nitong si Roda, 35; at mga anak na sina Roldan, 18; Romelyn, 14; Rico, 10; Nongnong, 9; Marlon, 6; at Toto, 5.

Sa paunang ulat, ayon sa BPS, nangyari ang insidente bandang alas-9:05 kamakalawa ng umaga nang magdesisyon ang mag-asawang Bataican na lumikas sa maliit na islang kanilang tinitirhan kasama ang mga anak dahil sa baha na dulot ng bagyong ‘Jolina’.

Ayon sa report, sumakay ang pamilyang Bataican sa isang bangka at lumusong sa dagat na parte ng nasabing barangay.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Sa kanilang paglalakbay, sinalubong sila ng malalakas at matataas na alon at dito tumaob ang kanilang bangka. Pinaghahanap pa rin ang mag-anak sa ngayon.

Samantala, nasawi ang isang binata matapos malunod nang tangkaing tumawid sa ilog sa kasagsagan ng pananalasa ng bagyong ‘Jolina’ sa Mauban, Quezon nitong Miyerkoles.

Kinilala ang biktima na si Ronel Balangban Manalo, 19, residente ng Barangay Silangan Palale, Tayabas City. (Allan Bergonia/Ronilo Dagos)

Leave A Reply

Your email address will not be published.