Abante Tonite Interactive

Bangkay bumulaga sa falls

253

Isang bangkay ng lalaki na umano ay isang taon nang nawalay sa kanyang pamilya ang natagpuan malapit sa falls sa Cavinti, Laguna, Biyernes ng tanghali.

Ang biktima ay kinilala ng pulisya na si Casil Cristino Jr., nasa 40-anyos,­ tubong Brgy. Cabulohan, Cabanglasan, Bukidnon at dating naninirahan sa bayan ng Cavinti.

Ayon kay Patrolman Khezer Calimag, imbestigador ng Cavinti police, ang biktima ay kinilala batay sa nakuhang bag malapit sa kinatagpuan ng bangkay sa gilid ng Talahib falls.

Naglalaman umano ang bag ng mga dokumento kabilang ang SSS, Philhealth ID, university clearance mula sa Bukidnon State University na lahat ay nakapangalan sa biktima.

Nakita rin sa bag ang isang plastic na may nakasilid na humigit kumulang isang kilong bigas.

Ayon sa pulisya, nasa state of decomposition na ito nang matagpuan sa gilid ng ilog.

Nang beripikahin sa munisipyo, meron nga umanong ganoong residente sa nasabing bayan subalit huli aniya itong nakita ng mga kaanak noong Disyembre 2018 na sa kanilang pagkakaalam ay nagtatrabaho sa isang hotel sa Maynila. (Ronilo Dagos)