Abante Tonite Interactive

Bangkay bumulaga sa Wil Tower

0 439

Isang retired US Navy ang natagpuang patay sa isang condominium unit sa Wil Tower na matatagpuan sa No. 34 Eugenio Lopez Drive, Barangay South Triangle, Quezon City nitong Linggo ng tanghali.

Ayon kay PLTCOL Louise Benjie Tremor, hepe ng Quezon City Police District-Kamuning Station 10, dakong alas-12:09 ng tanghali nang matagpuang patay na si Daniel Alfred Daley, 59-anyos, isang American citizen, sa kanyang silid sa Unit No. 35 ng Wil Tower.

Batay sa inisyal na report, si Daley at ang live-in partner nito na nakilalang si Clariza Nueva, 23, ay nag-check in sa condo noon pang Hulyo 7, 2019.

Umalis umano si Nueva kasama ang kaniyang tatlong anak subalit pagbalik niya sa kanilang condo ay nalaman na lamang niyang wala nang buhay habang nakahiga sa kanilang kama ang kinakasamang si Daley.

Wala namang nakitang external injury sa bangkay ng biktima kaya hinihinalang inatake ito sa puso.

Bagamat iniimbestigahan pa ang sanhi ng pagkamatay ng dayuhan ay magsusumite naman ng report ang mga awtoridad ukol sa insidente sa Foreign Liaison Division upang mapabatid na US embassy ang nangyari. (Dolly B. Cabreza)