Abante Tonite Interactive

Bangkay natagpuan sa Taal Island

296

Natagpuan na ang bangkay ng isa sa dalawang lalaki na bumalik sa isla ng Bulkang Taal sa kasagsagan ng pagsabog nito noong Enero 12.

Sabado nang umaga nakita ng mga kaanak ang bangkay ni Marlon Deteral na natabunan ng abo sa kanyang bangka sa baybayin ng Brgy. Alas-As, na nasa isla ng Bulkang Taal, sakop ng San Nicolas, Batangas.

Nataon ang pagkakatagpo sa bangkay ni Deteral sa ika-21 kaarawan nito.
Ayon sa kapatid ni Deteral, tila papaalis na rin ito sa isla nang maabutan ng malakas na pagsabog.

Nabatid na lumikas ang mga nakatira sa isla ng Taal noong nagsisimula nang sumabog ang bulkan, Enero 12 ng tanghali.

Bumalik umano ang biktima sa kanilang bahay sa pag-aakalang naiwan ang kanilang ina. Subalit napag-alaman na nauna na palang nakalikas ang ina ni Deteral kasama ng iba pang mga residente.

Samantala, hinahanap pa rin ang isa pang nawawala na si Alexander Dando Jr. na bumalik naman sa isla bandang alas-tres ng hapon ng araw ding iyon.

Inakala naman umano ni Dando na papa­kalma na ang bulkan kaya bumalik ito subalit hindi na nakita pa ng kanyang mga kaanak mula noon. (Ronilo Dagos)