Abante Tonite Interactive

Bangkay ng babae sa Taguig kilala na

685

Sa pamamagitan ng narekober na TIN identification card, kinilala na ang biktimang babaeng natagpuan na tadtad ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan at nakatali pa nang madiskubre ang bangkay nito sa isang kalsada kamakalawa sa Taguig City.

Nakilala ang biktima na si Hasmin Undong, 43, tubong Sultan Kudarat, Maguindanao. Samantala, hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek
sa likod ng pamamaslang.

Sa ulat nina PMSg. Randolph Dalogdog at PCpl. Christopher Flores, imbestigador ng Taguig City Police, Huwebes ng alas-sais ng umaga nang madis­kubre ang duguang bangkay ng biktima sa C-6 Service Road at Pulong Kendi St., Brgy. Santa Ana.

Isang concerned citizen ang nakatagpo sa biktima na agad namang ipinagbigay alam sa awtoridad.

Sa pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Southern Police District sa pangunguna ni Police Col. Jayson Ermina, nagtamo ng mara­ming bala ang biktima bukod pa rito ang mga pasa at sugat sa parehong braso na senyales ng pag-torture o pagpapahirap dito.

Narekober din ng awtoridad ang limang basyo ng caliber 5.56 ml rifle, dalawang pakete na naglalamAan ng hinihinalang shabu na may timbang na 5-6 gramo sa shoulder bag ng biktima at tatlong kable malapit sa bangkay nito na pinaniniwalaang ginamit sa paggapos sa kanya.

Hinala naman ng pulisya posibleng may kinalaman sa droga ang pagpaslang sa biktima dahil may nakuhang droga dito.

Inaalam rin kung may nakalagay na close circuit television (CCTV) camera sa pinangyarihan ng insidente para sa pagkakilanlan ng salarin. (Armida Rico)