Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bangkay ng bebot bumulaga sa motel

0 100

Bangkay na nang matagpuan ang isang babae sa loob ng isang motel sa bayan ng Carcar sa Cebu nitong Huwebes.

Sa imbestigasyon, alas-8:30 ng umaga nang mag-check in sa isang kuwarto sa WJV Inn ang isang lalaki, na sinundan ng biktima makalipas ang 30 minuto.

Ilang saglit lang, nakarinig ang security guard ng sigaw ng babae. Nang puntahan ang silid, agad siyang sinalubong ng papalabas na lalaki, na nagsabing wala naman silang problema. Nagpaalam rin siyang bibili lang ng pagkain.

Inabot na ng ilang oras pa, pero hindi pa rin bumabalik ang lalaki, kaya kinatok na ng roomboy ang kuwarto. Nang walang sumagot ay sapilitang binuksan ang pinto. Dito na tumambad ang nagingitim nang bangkay ng babae.

Sa paunang pagsusuri, walang anumang sugat o bakas ng dugo sa biktima. Hinala ng pulisya, pinatay siya sa sakal ng salarin.

Inaalam pa ang pagkakakilanlan ng babae, na nakaputing t-shirt, itim na short pants at Nike sandals.

Sa testimonya ng mga tauhan ng motel, maputi, tsinito, at maraming ugat sa kamay ang lalaki.

Regular customer din umano sa motel ang dalawa. (Damien Horatio Catada)

Leave A Reply

Your email address will not be published.