Abante Tonite Interactive

Bangkay ng magandang babae itinapon sa SLEX

By
0 151

Martes ng ­madaling-araw noong Disyembre 5, 2017 nang sumuko sa barangay sina Melvin Astorida, 18; Buboy Phi, 23 at ang pinsan ni JR na si Russel Torres, 18, na pawang naninirahan din sa Barangay Maricaban.

Kaagad namang dinala ni Chairman Trestiza ang tatlong suspek sa tanggapan ni Chief Insp. Ferdinand Duren na noon ay siyang commander ng Maricaban Police Community Precinct (PCP) 8 at dito na sila pinuntahan ng mga kaanak ni Isay, pati na si Mang Ronald.

Batay naman sa naging pahayag ni JR sa pulisya, wala siyang intensyon na patayin si Isay at aksidente lamang ang pangyayari nang makalabit niya ang gatilyo ng kanyang kalibre .45 baril matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo ng ka-live in noong Nobyembre 28.

Hindi aniya niya magagawang patayin si Isay dahil siya lamang ang babaeng pinag-ukulan niya ng labis na pagmamahal at hindi talaga niya sinasadya na mapatay ang biktima.

Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ni Isay sa nagawang pagpaslang sa biktima at muling inulit na mahal na mahal niya ang dalaga kasabay ng pagkilala sa kanyang mga kasama sa krimen na sina Melvin, Buboy, pinsang si Russel at ang 20-anyos na si Danilo Flores.

Sa ginawa namang imbestigasyon ni SPO3 Evaristo Sarang-Ey ng Pasay Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB), lumabas na napatay ni JR sa loob mismo ng kanilang tirahan si Isay, isang araw matapos magdaos ng kaarawan ang babae, makaraan silang magkaroon ng mainitang pagtatalo habang kainuman ang mga kabarkada at pinsan.

Selos umano ang pinagmulan ng pag-aaway ng dalawa na nagsimula pa noong mga unang buwan ng kanilang pagsasama.
Ayon kina Mang Ro­nald at manugang na si Marife, naging ugali na umano ni JR na saktan si Isay kapag inalipuntahan ng matinding selos, patunay ang mga ipinakitang paso ng sigarilyo ng biktima kapag nagtungo sa bahay ng kapatid ang dalaga upang dalawin ang mga anak.

Batay naman sa na­ging pahayag nina Melvin makaraang sumuko sa barangay, wala umano silang kinalaman sa ginawang pagpatay ni JR sa kinakasama at napilitan lamang silang tulu­ngang itapon ang bangkay dahil tinakot umano sila na papatayin din sila kapag hindi sumunod sa kanyang utos.

Sinalungat naman ni Mang Ronald ang pahayag ng mga sumukong suspek na tinakot lang sila lalu na’t kitang-kita aniya sa CCTV ng barangay na masaya pang nag-iinuman ang grupo ni JR bago nangyari ang pagpaslang sa ­kanyang anak.

Lumabas din sa imbestigasyon ni SPO3 Sarang-Ey na ­madaling araw noong Disyembre 2 nang magkakatuwang na isakay nina JR at apat na barkada ang bangkay ni Isay upang ilibing sa Laguna.