Abante Tonite Interactive

Bangkay ng magandang babae itinapon sa SLEX

By
0 153

Nagpasya umano si JR na ialis na ang bangkay ng biktima sa loob ng bahay sa pangambang umalingasaw na ang mabahong amoy ng bangkay ng ka-live in at mabisto ng mga kapitbahay ang ginawang krimen.

Gayunman, habang tinatahak na ng mga suspek ang kahabaan ng SLEX patungong Laguna, biglang tumirik ang sasakyan kaya’t itinabi muna nila sa isang bahagi ng highway hanggang ipasya na nilang itapon sa gilid ang bangkay ni Isay.

Nang mabigo silang muling paandarin ang kot­se, nagpasya na ang lima na itulak sa pinakamalapit na Petron gas station ang sasakyan at dito na sila nakuhanan ng CCTV.

Dakong ala-una naman nang hapon araw din ng Martes, Disyembre 5, 2017 nang magpasya na ring sumuko sa kanilang barangay ang ikaapat na suspek na si Danilo Flores at tulad ng inihayag ng tatlo pa niyang barkada, sinabi rin niya kay Chief Insp. Ferdinand Duren na hindi sila kasabwat sa nangyaring pagpatay ni JR sa kinakasama.

Napilitan lamang aniya silang tulungan si JR na ilibing ang bangkay ni Isay dahil tinakot sila ng kabarkada na tatapusin din sila kapag hindi tumulong sa paglilibing sa ka-live in.

Dahil hindi kaagad napatunayan kung saang lugar pinaslang si Isay, maliban sa pagkakatuklas sa kanyang bangkay sa kahabaan ng SLEX na sakop ng Laguna at pagkakadakip sa pangunahing suspek sa naturang ding lugar, nagpasya ang Cabuyao PNP na isampa ang kasong murder laban kay Alfredo Torres, Jr at sa apat pa nitong kasamahan sa Biñan, Laguna Provincial Prosecutor’s Office.

Nakakita rin ng sapat na ebidensiya ang tagausig kaya’t walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni JR na nanati­ling nakapiit sa Laguna Provincial Jail.

Iniakyat naman ang kaso sa korte at matapos na i-raffle ang usapin, bumagsak ito sa sala ni Biñan Regional Trial Court (RTC) Judge Tomas Ken Romaquin, Jr ng Branch 24.

Sa panayam naman ng TUGIS kay Mang Ro­nald, hindi aniya sila titigil hangga’t hindi nabibigyan ng katarungan ang pagpaslang sa kanyang anak na si Isay na mistulang hayop na itinapon lang ang bangkay sa gilid ng kalsada.

Bagama’t nakalaya aniyang pansamantala ang apat na kasabuwat ni JR, kuntento na rin sila dahil nananatiling nakapiit sa Laguna ang panguna­hing akusado na naging ka-live in ng kanyang anak kaya’t mahirap para sa kaanak nito na dalawin o bisitahin siya araw-araw.

Sinabi rin ng manugang ni Mang Ronald na si Marife na handang ituloy ng kanyang biyenan ang asunto hanggang mapanagot nang tuluyan ang mga akusado bagama’t may pangamba pa rin aniya ang ama ni Isay kaugnay sa umano’y banta sa kanyang buhay kaya’t pansamantala munang itong lumipat ng tirahan.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang ‘yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo: walang krimen na hindi pinagbabayaran.