Abante Tonite Interactive

Bangkay ng magandang babae itinapon sa SLEX

245

Habang tumatagal ang pagsasama ng dala­wa, napuna na ni Isay ang sobrang pagiging seloso ni JR lalo na’t hindi rin naman nawala ng tuluyan ang kariktan ng dalaga na posib­leng hangarin pa ng iba pang kalalakihan sa kanilang lugar.

Napuna rin ni Isay na sa tuwing magtutu­ngo siya sa bahay ng kapatid na hindi naman kalayuan sa kanilang tinitirhan ng lalaki, pinasusundan pa siya ni JR sa mga kabarkada upang matiyak na walang sinumang lalaki na maghahangad pang agawin siya sa piling ng kinakasama.

Sa pahayag nga ni Marife sa TUGIS, minsang nagtungo sa kanilang bahay ang hipag ay nagulat siya dahil may kinagagalitan ang hipag habang nasa harapan na ng kanilang pintuan at nang silipin niya ay mga alagad pala ni JR ang binubulyawan ni Isay dahil buntot nang buntot sa kanya.

Nang magdaos ng kanyang ika-27-taong kaarawan si Isay noong Nobyembre 27, 2017, nakiusap siya sa ka-live in na makasama muna ang mga anak sa simpleng selebrasyon ng kanyang kaarawan na pinahintulutan naman ng lalaki basta’t huwag na siyang magpapagabi ng pag-uwi.

Hindi alam ni Isay na ito na pala ang huling araw ng pagdaraos niya ng kaarawan sa piling ng kanyang mga anak dahil kinabukasan, Nobyembre 28, 2017, ang pinakahu­ling araw na nakita pa siyang buhay sa kuha ng close circuit television (CCTV) camera ng barangay habang naglalakad patungo sa bahay ng kinakasamang si JR sa Area B Chest Clinic Compound, St. Joan Street, Barangay 186, Maricaban.

Wala naman sa hinagap ni Mang Ronald na may nangyaring masama kay Isay dahil nasanay na siya na wala na sa kanyang poder ang anak mula nang ipasiyang makisama ng tuluyan kay JR.

Gayunman, nagimbal si Mang Ronald nang makarating sa kanilang kaalaman ang pagkaka­tagpo sa halos naaagnas ng bangkay ni Isay na itinapon sa madamong bahagi sa gilid ng South Luzon Expressway (SLEX) noong madaling araw ng Disyembre 2, 2017.

Kaagad na nagtungo si Mang Ronald, kasama ang ilang kaanak sa naturang lalawigan at sa isang punerarya na pinaglagakan ng bangkay na nila nakita ang biktima kung saan siya dinala ng mga awtoridad upang isaila­lim sa awtopsiya ng medico legal ng Philippine National Police (PNP).