Abante Tonite Interactive

Bangkay ng magandang babae itinapon sa SLEX

317

Sinabi ni Mang Ro­nald sa TUGIS na ipi­nabatid sa kanya ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na nagsiyasat sa bangkay ng anak na nagsisimula nang ma­agnas ang bangkay ni Isay na patunay na lumipas na ang mahigit tatlo o apat na araw mula nang paslangin ang kanyang anak.

Matapos namang madiskubre ang bangkay ni Isay, kaagad nagsagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Cabuyao, Laguna police hanggang makatanggap sila ng impormasyon hinggil sa isang walang plakang kulay pulang kotseng Honda Accord na iniwanan pansamantala sa isang gasolinahan ng Petron Philippines sa SLEX, malapit sa kinatagpuan sa bangkay.

Naghinala kaagad ang mga kawani ng naturang gasolinahan dahil may naaamoy silang masangsang na posibleng nagmumula sa loob ng sasakyan kaya’t ipinagbigay-alam nila ito sa mga pulis.

Hindi rin ipinagkait ng pamunuan ng gasoline station na ipasilip sa mga pulis ang kuha ng kanilang CCTV at dito nila nakita ang apat na kalalakihang nagtutulak ng sasakyan papasok sa gas station habang minamaneho ng isa pa nilang kasama.

Nakita rin sa CCTV na binubuhusan ng tubig ng isa sa apat ang likurang bahagi ng sasakyan upang maalis ang masangsang na amoy bago nakiusap ang tumatayong driver sa kahera ng gas station na pansamantala na muna nilang iiwan ang kotse upang sumundo ng mekaniko na siyang magkukumpuni sa naglokong sasakyan.

Matapos mapagtagni-tagni ng mga tauhan ng Cabuyao police ang pangyayari, inabangan na nila ang posibleng pagbalik ng may-ari ng kotse at hindi naman sila nabigo dahil noong araw ding ‘yun ay binalikan ni JR, kasama ang isang mekaniko na nakilalang si Gabriel ­Repasa, 32, ang kanyang kotse sa pinag-­iwanang gas station kaya’t dinakip na kaagad sila ng mga pulis.

Nang iharap si JR ng mga pulis sa kahera ng gas station na hiningan niya ng permiso para pansamantala munang iwanan ang kanyang sasakyan habang sumusundo ng mekaniko, posi­tibo siyang kinilala na nagmamaneho ng natu­rang sasakyan na tumirik sa kahabaan ng SLEX.

Bukod naman sa ginagawang pagsisiyasat ng mga tauhan ng Cabuyao PNP sa nang­yaring krimen, nagsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang mga tauhan ng Pasay City Police makaraang iutos ni dating city police chief Senior Supt. Dionisio Bartolome ang pag-­TUGIS sa mga hinihinalang kasangkot ni JR sa ­krimen.

Nang pumutok na ang balita hinggil sa pagkakadakip ng mga pulis sa Cabuyao, Laguna kay Alfredo Torres, Jr. o JR na itinuturong pa­ngunahing suspek sa pagpaslang kay Isay, dito na nagpasyang sumuko kay dating Barangay Chairman Hilario Trestiza ng Barangay 186 Maricaban ang tatlo sa apat na lalaking nakita sa CCTV na nagtutulak ng kotseng pinaglulanan ng bangkay ng biktima.

Martes ng madaling araw noong Disyembre 5 2017 nang sumuko sa barangay sina Melvin Astorida, 18 Buboy Phi, 23 at ang pinsan ni JR na si Russel Torres, 18 na pawang naninirahan din sa Barangay Maricaban.

Kaagad namang dinala ni Chairman Trestiza ang tatlong suspek sa tanggapan ni Chief Insp. Ferdinand Duren na noon ay siyang commander ng Maricaban Police Community Precinct (PCP) 8 at dito na sila pinuntahan ng mga kaanak ni Isay, pati na si Mang Ronald.

Batay naman sa naging pahayag ni JR sa pulisya, wala siyang intensiyon na patayin si Isay at aksidente lamang ang pangyayari nang makalabit niya ang gatilyo ng kanyang kalibre .45 baril matapos silang magkaroon ng mainitang pagtatalo ng kalive-in noong Nobyembre 28.

Hindi aniya niya magagawang patayin si Isay dahil siya lamang ang babaing pinag-ukulan niya ng labis na pagmamahal at hindi talaga niya sinasadya na mapatay ang biktima.

Humingi rin siya ng tawad sa pamilya ni Isay sa nagawang pagpaslang sa biktima at muling inulit na mahal na mahal niya ang dalaga kasabay ng pagkilala sa kanyang mga kasama sa krimen na sina Melvin, Buboy, pinsang si Russel at ang 20-anyos na si Danilo Flores.

Sa ginawa namang imbestigasyon ni SPO3 Evaristo Sarang-Ey ng Pasay Police Station Investigation and Detective Management Branch (SIDMB) lumabas na napatay ni JR sa loob mismo ng kanilang tirahan si Isay, isang araw matapos magdaos ng kaarawan ang babae, makaraan silang magkaroon ng mainitang pagtatalo habang kainuman ang mga kabarkada at pinsan.

Selos umano ang pinagmulan ng pag-aaway ng dalawa na nagsimula pa noong mga unang buwan ng kanilang pagsasama.

Ayon kina Mang Ronald at manugang na si Marife, naging ugali na umano ni JR na saktan si Isay kapag inalipuntahan ng matinding selos, patunay ang mga ipinakitang paso ng sigarilyo ng biktima kapag nagtungo sa bahay ng kapatid ang dalaga upang dalawin ang mga anak.

Batay naman sa naging pahayag nina Melvin makaraang sumuko sa barangay, wala umano silang kinalaman sa ginawang pagpatay ni JR sa kinakasama at napilitan lamang silang tulungang itapon ang bangkay dahil tinakot umano sila na papatayin din sila kapag hindi sumunod sa kanyang utos.

Sinalungat naman ni Mang Ronald ang pahayag ng mga sumukong suspek na tinakot lang sila lalu na’t kitang-kita aniya sa CCTV ng barangay na masaya pang nag-iinuman ang grupo ni JR bago nangyari ang pagpaslang sa kanyang anak.

Lumabas din sa imbestigasyon ni SPO3 Sarang-Ey na madaling araw noong Disyembre 2 nang magkakatuwang na isakay nina JR at apat na barkada ang bangkay ni Isay upang ilibing sa Laguna.

Nagpasiya umano si JR na ialis na ang bangkay ng biktima sa loob ng bahay sa pangambang umalingasaw na ang mabahong amoy ng bangkay ng kalive-in at mabisto ng mga kapitbahay ang ginawang krimen.

Gayunman, habang tinatahak na ng mga suspek ang kahabaan ng SLEX patungong Laguna, biglang tumirik ang sasakyan kaya’t itinabi muna nila sa isang bahagi ng highway hanggang ipasiya na nilang itapon sa gilid ang bangkay ni Isay.

Nang mabigo silang muling paandarin ang kotse, nagpasiya na ang lima na itulak sa pinakamalapit na Petron gas station ang sasakyan at dito na sila nakuhanan ng CCTV.

Dakong ala-1 naman ng hapon araw din ng Martes, Disyembre 5, 2017 nang magpasiya na ring sumuko sa kanilang barangay ang ika-apat na suspek na si Danilo Flores at tulad ng inihayag ng tatlo pa niyang barkada, sinabi rin niya kay Chief Insp. Ferdinand Duren na hindi sila kasabuwat sa nangyaring pagpatay ni JR sa kinakasama.

Napilitan lamang aniya silang tulungan si JR na ilibing ang bangkay ni Isay dahil tinakot sila ng kabarkada na tatapusin din sila kapag hindi tumulong sa paglilibing sa kalive-in.

Dahil hindi kaagad napatunayan kung saang lugar pinaslang si Isay, maliban sa pagkakatuklas sa kanyang bangkay sa kahabaan ng SLEX na sakop ng Laguna at pagkakadakip sa pangunahing suspek sa naturan ding lugar, nagpasiya ang Cabuyao PNP na isampa ang kasong murder laban kay Alfredo Torres, Jr at sa apat pa nitong kasamahan sa Biñan, Laguna Provincial Prosecutor’s Office.

Nakakita rin ng sapat na ebidensiya ang tagausig kaya’t walang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang paglaya ni JR na nanatiling nakapiit sa Laguna Provincial Jail.

Iniakyat naman ang kaso sa korte at matapos na i-raffle ang usapin, bumagsak ito sa sala ni Biñan Regional Trial Court (RTC) Judge Tomas Ken Romaquin, Jr ng Branch 24.

Sa panayam naman ng TUGIS kay Mang Ronald, hindi aniya sila titigil hangga’t hindi nabibigyan ng katarungan ang pagpaslang sa kanyang anak na si Isay na mistulang hayop na itinapon lang ang bangkay sa gilid ng kalsada.

Bagama’t nakalaya aniyang pansamantala ang apat na kasabuwat ni JR, kuntento na rin sila dahil nananatiling nakapiit sa Laguna ang pangunahing akusado na naging kalive-in ng kanyang anak kaya’t mahirap para sa kaanak nito na dalawin o bisitahin siya araw-araw.

Sinabi rin ng manugang ni Mang Ronald na si Marife na handang ituloy ng kanyang biyenan ang asunto hanggang mapanagot ng tuluyan ang mga akusado bagama’t may pangamba pa rin aniya ang ama ni Isay kaugnay sa umano’y banta sa kanyang buhay kaya’t pansamantala munang itong lumipat ng tirahan.

Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran.