Abante Tonite Interactive

Bangkay ng PT student bumulaga sa condo

339

Misteryoso ang pagkamatay ng isang Physical Therapy (PT) student na natagpuang nakabalot ng itim na garbage bag ang ulo at nakabulagta sa kama sa loob ng nirerentahang condominium unit sa Quezon City noong Sabado ng gabi.

Sadyang hindi na pinangalanan ang lalaking biktima na napag-alamang 20-taon gulang.

Batay umano sa pahayag ng ina nito kay PSSg. George Caculba ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, bandang alas-8:05 ng gabi, kasama ang isa pang anak ng ginang nang puntahan nila ang biktima sa condo unit nito dahil hindi sumasagot sa kanyang mga tawag sa cellphone.

Pagdating sa condo, nagtaka sila kung bakit hindi naka-lock ang pintuan ng unit ng biktima kaya pumasok sila at doon bumungad ang bangkay ng binata na nakabulagta sa kama at nakabalot ng garbage bag ang ulo.

Humingi ng saklolo ang mag-ina sa mga guwardiya ng condo na siya namang tumawag sa Fairview Police Station 5.

Ayon sa rumespondeng Scene of the Crime Operatives (SOCO) team na pinamumunuan ni Police Lt. Col. Nellson Sta. Maria, nakatagpo sila sa tabi ng bangkay ng biktima na kable ng telepono at umano’y suicide note.

Bagama’t walang nakitang external injury sa mga labi ng biktima ay patuloy pang nag-iimbestiga ang mga pulis para malaman kung may foul play sa pagkamatay nito. (Dolly Cabreza)