Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Bangko Sentral Exec pinatsugi ni misis

0 287

Tadtad ng saksak at wala nang buhay nang matagpuan ang isang currency assistant ng Bangko Sentral ng Pilipinas matapos umanong ipapatay sa ‘hired killer’ ng kanyang misis sa tahanan nito sa Quezon City, nitong Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Victor Dacuma Llamado, 64-anyos, may asawa, currency assistant, tubong Samar at taga-CSTS888 Muñoz Room Rental, Abra St., Brgy. Ramon Magsaysay, Bago Bantay, Quezon City.

Agad namang naaresto ang kinakasama ng biktima na si Genia Ducena Picorro, 40, at ang sinasabing ‘hired killer’’ na si Epifanio Raya Villanueva, 77, may asawa, security guard, ng P5, Brgy. Payahan, Calbayog City, Samar.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, alas-11:30 ng gabi (June 28), nang matagpuan ang duguang biktima sa nirerentahang apartment.

Sa imbestigasyon, sinabi ng testigo na si Louella na nagising siya sa sigaw ng biktima na kalapit lamang sa kanyang apartment.

Pagsilip ay nakita nitong nakikipagbuno ang biktima sa lala­king matanda.

Umawat ang mister nito at saka ini-report sa mga opisyal ng barangay ang pangyayari.

SM food to go Banner Ad

Nakita pa umano ni Louella ang suspek na lumabas sa apartment at kaswal lamang na nag­lakad.

Pagresponde ng mga awtoridad ay nabungarang tadtad na ng saksak ang biktima sa loob kuwarto.

Ayon sa SOCO team sa pamumuno ni PMSG Godfrey Lustado, nakasamsam sila sa crime scene ng dalawang gunting na may bahid ng dugo na hinihinalang ginamit sa pagpatay sa biktima.

Sa follow-up investigation, sinabi ng stepdaughter ng biktima na si Jan Louise De Egurrola, na kilala niya ang suspek at sinamahan niya ang mga awtoridad sa bus terminal sa Malibay, Pasay City kung saan ito naaresto.

Inamin ng suspek ang krimen at sinabing inupahan lamang siya ng misis ng biktima na si Picorro na patayin ang matanda.

Bago ang insidente, nakita sa CCTV recordings si Picorro na kausap ang suspek.

Tumanggi pang magsalita ang misis. (Dolly Cabreza)

Leave A Reply

Your email address will not be published.