Abante Tonite Interactive

#BangonMarikina

By
162

Bumuhos sa loob lang ng isang araw ang mahigit kalahati ng tinatayang volume ng tubig-ulan para sa buong August dahil sa ‘habagat’.

Sa forecast ng Pagasa, nasa 504.2 millimeter ang tubig-ulan ngayong buwan pero 270 mm o 53% nito na agad ang bumuhos noong August 11.
Isipin mo na mayroon kang hawak na isang malaking pitsel na puno ng tubig at pagkatapos ay ibinuhos mo ang kalahati ng laman sa isang maliit na baso.

Tulad nang pag-apaw ng tubig mula sa baso ang nangyaring pagbaha sa mga lungsod sa Metro Manila, lalo na sa ­Marikina City.

Dahil sa walang tigil­ na pag-ulan at malakas na agos ng tubig mula Rizal, umabot nang halos 21 meter ang water leve­l sa Marikina River na nagdulot ng lampas-taong baha sa ilang barangay.

Kahanga-hangang pamumuno ang ipinamalas ng mga barangay chairman ng lungsod na sina Mak Alfonso (Brgy. Malanday), Ziff Ancheta (Brgy. Tumana), Jane dela Rosa (Concepcion Dos), Randy Leal (Brgy. Nangka), Pandot Mira (Brgy. IVC), Gerry Sto. Domingo (Concepcion Uno), Riza Teope (Brgy. Fortune), at Tatang Zulueta (Brgy. Parang) sa pagsa­gip sa mga residente nilang na-trap sa baha.

Desidido at determinado, hindi na nila ina­sa pa ang rescue opera­tions sa Marikina City Disaster Risk Reduction and Ma­nagement Office. Sinamahan ng ating staff ang mga kapitan sa buong magdamag.

Ang mga paaralan ay biglang naging mga evacuation center. Sa isang yugto ng krisis, lumobo sa mahigit 20,000 ang evacuee na nabi­bilang sa mahigit 5,000 pamilya. Sa kabuuan, nasa mahigit 100,000 Marikeño ang naapektuhan ng kalamidad.

Para mabigyan ng mga hot meal ang lahat ng mga evacuee, nagtayo tayo ng isang malaking central kitchen na 24/7 tinatauhan ng mga vo­lunteer sa Service Brigade ng ating opisina.

Tuloy-tuloy ang atin­g relief operations. Sa katunayan, galing lang kami ni Sen. Sonny Angara sa Iwahig sa Doña Petra, Brgy. Tumana noong Sabado upang direktang iabot ng ating kaibigang senador sa mga tagaroon ang kanyang dalang tulong. Kasama ang buong pamilya, nagtungo rin tayo sa Brgy. Nangka noong Linggo.

Bara-barangay, bahay-bahay ang ating pag­hahatid ng relief goods upang walang maitsapuwera, lahat makatanggap. Targeted talaga ang mga apektadong pamilyang Marikeño.

Pagdating naman sa clearing operations, tinulungan natin ang city hall sa paghahakot ng mga basurang iniwan ng ‘habagat’ kahit hindi ito tungkulin ng isang kongresista. May mabubuting pribadong tao na nagpahiram sa atin ng equipment tulad ng mga backhoe, payloa­der, at dump truck.

Ang gusto natin ay maibalik agad ang sigla at dignidad sa mga komunidad na nasapol ng kalamidad.

Nakakatuwa na maraming kabataang Marikeño ang nag-volunteer at humawak ng pala (shovel) para sa ating clearing operations na nasa Day 9 na ngayon.

‘Ang mga pinagpala’, ang pabirong tawag sa grupo nila. Tagapala ng basura. Pero nang dahil sa kanila, tunay na pinagpala (blessed) ang Marikina at mga Marikeño.