Abante Tonite Interactive

Bangungot ng social media

395

Maraming naidulot na benepisyo ang social media sa makabagong panahon. Sa pamamagitan ng Facebook, Instagram, Twitter at iba pa, nahanap natin ang mga kaanak, kaibigan, kaklase na matagal nang hindi nakikita o nakakausap man lang. Sa madaling salita, na-reunite at na-reconnect tayo sa mga mahal natin sa buhay partikular ‘yung mga nasa ibang bansa.

Hindi gaya dati na kailangan pa na­ting mag-voice record, sumulat at magpatelegrama para makumusta ang mga kaanak na nasa ibang bansa. Nga­yon, isang click lang – parang kaharap mo na sila. Kaya bihira na ang naho-homesick dahil sa technological advancement.

Kung may benepisyo, hindi siyempre mawawala ang masamang epekto nito. Sa social media naglipana at nagkalat ang fake news. Hindi mo na alam ngayon kung ano ang totoo. Kailangang suriing maiigi ang lahat ng nakikita sa inyong news feed bago paniwalaan. Importanteng maging mausisa sa mga bagay-bagay.

Dito rin nambibiktima ang masasamang loob. Ginagawang instrumento ang social media para makapanloko. Mara­ming scam ang nagkalat din sa network sites. Dahil nag-aalok ng ma­laking halaga, agad kang maniniwala. Ang hindi mo alam, biktima ka na pala.

Nakalulungkot na ito rin ang medium ng ilan para makapam-bully. Ilang buhay na ang nasayang dahil dito. Nito lang isang linggo, isang UP student ang nagpatiwakal matapos hindi kayanin ang pamba-bash sa kanya sa social media.

Kung ano-anong panlalait ang ina­bot ng biktima matapos umanong lumabas ang larawang sangkot diumano siya sa hazing ng isang fraternity.

Totoo man o hindi, wala tayong karapatang manghusga ng kapwa. Ang simpleng comment, share o retweet ng post, buhay na pala ang kapalit. Ilang inosenteng buhay pa ang masasa­yang nang dahil sa maling paggamit ng social media? Talaga namang nakapanlulumo.

Gaya ng online campaign ng GMA Network, ‘think before you click’. Ang sa akin lang, maging responsable sa paggamit ng social media. Huwag itong abusuhin. Manatili sana ang pakay nitong ma-reunite at ma-reconnect ang mga nagkakahiwalay. At hindi maging mitsa para magkawatak-watak ang mga tao.